Isang 29-anyos na lalaki at dalawa niyang batang anak ang sugatan matapos magtamo ng mga tama ng bala nang pagbabarilin sila ng dalawang armadong lalaki habang bumibiyahe sakay ng isang pampasaherong jeep sa Malabon City.
Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, lumabas na sakay ang mga biktima ng isang jeepney nang harangin sila ng mga suspek.
Mula rito ay bumaba ang dalawang suspek at sunod-sunod na nagpaputok patungo sa direksyon ng ama, dahilan upang madamay at masugatan ang dalawa niyang anak.
Nagtamo ng tama ng bala sa hita ang lalaki, habang tinamaan naman sa kaliwang hita ang kaniyang tatlong taong gulang na anak. Sugatan din ang kaniyang 10-buwang gulang na sanggol matapos itong mahagip ng bala sa paa.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at isinugod ang tatlong biktima sa Ospital ng Malabon bago inilipat sa Tondo Medical Center upang ipagpatuloy ang kanilang gamutan.
Ayon sa pinakahuling impormasyon, nasa ligtas nang kondisyon ang mag-aama.
Ayon sa ulat na isinumite sa pamunuan ng Northern Police District (NPD), dakong 4:40 ng hapon nang maganap ang pamamaril.
Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo ng pag-atake.
Kasalukuyan nang sinusuri ng pulisya ang mga kuha ng CCTV cameras sa lugar bilang bahagi ng kanilang pagtugis sa mga suspek na nananatiling nakatakas.
Samantala, wala namang napaulat na iba pang nasaktan mula sa insidente.