Pumalo sa pinakamataas na antas ang kabuuang utang ng Pilipinas matapos itong umabot sa ₱19.065 trilyon sa pagtatapos ng Hunyo, ayon sa ulat ng Bureau of the Treasury (BTr).
Ayon sa ilang ekonomista, lumalabas na may utang na ₱169,130.36 ang bawat Pilipino kung susumahin mula sa bilang ng populasyon ng bansa na 112,727,776.
Batay sa datos ng BTr, tumaas ng ₱518.98 bilyon o 2.80% ang outstanding debt kumpara sa ₱18.546 trilyon na naitala noong katapusan ng Mayo. Mas mataas din ito kaysa sa ₱17.267 trilyon na utang ng gobyerno noong Hunyo 2025.
Ayon sa BTr, ang pagtaas ng utang ay bunsod ng mas malaking paghiram ng pamahalaan sa loob at labas ng bansa upang pondohan ang mga programa at proyektong pangkaunlaran.
“The ₱518.98 billion (2.80%) increase from the end-May 2026 level of ₱18.55 trillion was driven by the net availment of both domestic and external borrowings to fund national development. The favorable movement of the peso tempered the increase,” ayon sa BTr kamakailan.
Lumobo sa ₱12.837 trilyon ang domestic debt ng pamahalaan, mas mataas ng 2.74% kumpara noong Mayo. Kabilang dito ang paglalabas ng ₱342.93 bilyon sa government securities, habang bahagyang nabawasan ang halaga ng onshore dollar bonds dahil sa paglakas ng piso.
Samantala, umabot naman sa ₱6.227 trilyon ang panlabas na utang ng bansa matapos madagdagan ng ₱176.66 bilyon, na iniuugnay sa bagong paghiram ng pamahalaan mula sa mga dayuhang pinagkukunan ng pondo.
Sa kabila nito, bumaba naman ang government-guaranteed obligations sa ₱305.07 bilyon mula sa ₱443.50 bilyon noong katapusan ng Mayo.
Ayon kay Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) chief economist Michael Ricafort, posibleng magresulta ang inaasahang pagtaas ng paggasta ng gobyerno sa mas malawak na kakulangan sa budget sa mga susunod na buwan.
“For the coming months, catch up government spending especially on infrastructure to make up for the government unspending since the latter part of 2025 largely due to the anomalous flood-control projects could partly lead to wider budget deficits and could again require additional government borrowings,” ani Ricafort sa media.
Dagdag pa niya, maaaring magtulak ang karagdagang pangungutang sa utang ng pamahalaan sa mga antas na hindi pa nararanasan noon, ngunit maaari rin itong magsilbing “calculated trade-off” upang mapasigla ang paglago ng ekonomiya.