Inihahanda na ng Southern Police District (SPD) ang paghahain ng kasong kriminal laban sa 14-anyos na estudyanteng nanaksak at ikinamatay ng kaniyang 13-anyos na kaklase sa isang pampublikong high school sa Barangay Daniel Fajardo, Las Piñas City noong Hulyo 31.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon umano ng alitan sa pagitan ng mga estudyante habang recess.
Sa gitna ng insidente, bumunot umano ng patalim ang 14-anyos na suspek, na itinuturing na Child in Conflict with the Law (CICL), at sinaksak sa dibdib ang biktima.
Agad namang isinugod ng mga guro at iba pang school personnel ang estudyante sa Las Piñas District Hospital, ngunit idineklara din siyang patay ng mga doktor.
Ayon sa pahayag ng SPD, kasalukuyan nang tinatapos ng mga imbestigador ng Station Investigation and Detection Management Section (SIDMS) ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang reklamo laban sa menor de edad na suspek.
"Investigators from the Station Investigation and Detection Management Section (SIDMS) are currently finalizing all necessary documents for the filing of the appropriate criminal complaint against the CICL, strictly adhering to existing legal procedures and juvenile justice protocols in coordination with social welfare officers," ayon sa SPD sa inilabas nilang pahayag noong Agosto 1.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang pulisya sa pamilya ng nasawing estudyante at tiniyak na paiigtingin ang koordinasyon sa mga paaralan at lokal na pamahalaan upang mapanatili ang seguridad ng mga mag-aaral.
"The SPD reassures the public, parents, and school authorities that police visibility and security coordination with school administrators and local officials will be intensified to ensure safe learning environments for all students. The SPD remains resolute in its duty to ensure justice is served while maintaining peace and order throughout the district," saad pa ng SPD.
Patuloy namang isinasagawa ng mga awtoridad ang kaukulang proseso alinsunod sa umiiral na batas at mga alituntunin sa paghawak ng mga kasong kinasasangkutan ng mga menor de edad.