Sumakabilang-buhay na ang batikang showbiz columnist, radio commentator, talent manager, at insider na si Jobert Sucaldito, sa gulang na 65.
Mababasa ang anunsyo kaugnay nito sa Facebook page na "OOTD Jobert and Chaps Channel," ang entertainment/showbiz-related vlog nila ng movie director at kapwa showbiz insider na si Chaps Manansala.
"Sa aming mga minamahal na manonood at tagasuporta, Lubos po naming ipinapaalam na ang aming pinakamamahal na Nanay Jobert Sucaldito ay mapayapang pumanaw ngayong Agosto 2, 2026," anila.
"Maraming salamat sa inyong walang sawang pagmamahal, suporta, panalangin, at pagtangkilik sa kanya sa paglipas ng mga taon. Ang kanyang mga alaala, kabutihan, at mga naiwan niyang kwento ay mananatiling buhay sa aming mga puso."
"Hinihiling po namin ang inyong panalangin para sa kanyang walang hanggang kapahingahan at para sa aming pamilya sa panahong ito ng matinding pagdadalamhati."
"Paalam, Nanay Jobert. Hanggang sa muli," dagdag pa.
Sa isa pang Facebook post bandang 1:05 PM, nagbigay ng ilang detalye sa kaparehong page sa kung ano ang nangyari kay Sucaldito.
"Bago pumanaw: Jobert Sucaldito, isinugod pa sa ospital at ni-revive
"This morning, between 9:45 AM and 10:15 AM, an incident occurred at his residence in Kamias, Quezon City. He was immediately rushed to the Philippine Heart Center, where the medical team exerted every effort to revive him. Sadly, despite their best efforts, he was pronounced deceased at around 10:30 AM," mababasa.
"The family is still awaiting the official medical findings regarding the cause of his passing."
"We kindly ask everyone to offer prayers for the eternal repose of Tito Jobert’s soul and to respect the family’s privacy during this difficult time."
"Further details regarding his wake and funeral arrangements will be announced as soon as they become available."
"Maraming salamat sa inyong mga panalangin at pakikiramay," anila pa.
Photo courtesy: Screenshot from OOTD Jobert and Chaps Channel (FB)
Matatandaang kamakailan lamang, napabalita ang pagkakaospital ni Sucaldito dahil sa pag-atake ng anxiety at sleep deprivation.
Si Jobert Sucaldito ay isang beteranong entertainment journalist, radio broadcaster, at showbiz commentator sa Pilipinas. Nakilala siya sa kaniyang matapang at prangkang pagbibigay ng opinyon sa mga isyu sa industriya ng showbiz sa pamamagitan ng radyo, telebisyon, at online platforms.
Sa loob ng maraming taon, naging isa siya sa mga kinikilalang personalidad sa entertainment journalism dahil sa kaniyang mga eksklusibong balita, panayam sa mga artista, at komentaryo sa mga usaping may kinalaman sa mundo ng aliwan.
Bukod sa pagiging mamamahayag, naging bahagi rin siya ng iba't ibang programa na tumatalakay sa showbiz at kasalukuyang mga pangyayari.
Kaakibat ng kaniyang trabaho ang pagkakaroon ng gusot sa mga showbiz personality. Isa sa mga tumatak noon ang hidwaan sa pagitan nila ng noo'y "Wowowee" host na si Willie Revillame noong 2010, na isa sa mga umano'y dahilan kung bakit nilisan ng showbiz insider ang home network na ABS-CBN.