Naghahanda ng kaukulang intervention ang Schools Division Office (SDO) ng Iloilo para sa mga estudyanteng pinaniniwalaang sangkot sa umano’y satanismong ritwal sa loob ng kanilang paaralan.
Ayon sa mga ulat, natagpuan ang ilang vandals sa sahig at dingding ng isang classroom habang mapapansin din ang umano’y marka ng tulo ng mga kandila at maging ilang laman-loob at dugo ng manok.
Batay pa sa paunang impormasyon, natuklasan sa isang silid sa ikalawang palapag ng paaralan ang mga vandal na naglalaman ng iba't ibang simbolo, kabilang ang mga hugis na kahalintulad ng bituin at krus, mga kandilang nakasindi, at mga bahid na hinihinalang dugo.
Inatasan ng SDO Iloilo ang pamunuan ng paaralan na magsumite ng detalyadong incident report at intervention plan habang inaalam ang buong pangyayari.
Kung mapatutunayang may partisipasyon ang mga mag-aaral, sasailalim ang mga ito sa psychological debriefing at counseling sa tulong ng mga guidance counselor at personnel ng division office.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. Ayon sa mga awtoridad, tatlong Grade 12 students ang kabilang sa mga tinitingnang may kaugnayan sa nangyari, at dalawa sa kanila ang umano'y umamin na sangkot sa insidente habang hinihintay pa ang pahayag ng isa pang estudyante.
Nilinaw naman ng mga opisyal ng edukasyon na wala pang matibay na ebidensyang nagpapatunay na may naganap na occult o ritual practice sa loob ng paaralan.
Dagdag nila, anumang aksiyong ipapataw sa mga sangkot ay alinsunod sa umiiral na mga polisiya ng Department of Education (DepEd) na nakatuon sa positive discipline at rehabilitasyon ng mga mag-aaral.