Dali-daling nakipagtulungan sa Manila local government unit (LGU) ang mga nagtitinda sa “Fusion Alley” sa Sampaloc, Maynila ngayong Biyernes, Hulyo 31, kasunod ng babala ni Mayor Isko Moreno, na ipasasara ito kapag nakita niyang makalat at “dugyot” ang paligid dito.
Makikita sa Facebook page ni Domagoso na 1:30 pa lang ng madaling araw, sinimulan na ang paghahakot ng mga basura sa Fusion Alley.
Sinabon at ineskoba rin ang kalsada para matiyak na malinis na aabutan ng publiko ang Fusion Alley.
Ipinagpatuloy pa ng Department of Environment and Public Services (DEPS) ang kanilang flushing operation sa Fusion Alley hanggang 12 ng tanghali para tiyaking natanggal na ang mga dumi sa kalsada.
Ani Domagoso, habang ikinalulugod niyang nagkaroon ng pangkabuhayan ang maraming Manilenyo dahil sa pagtitinda ng iba’t ibang pagkain sa Fusion Alley, naninindigan siyang mahalaga pa rin ang kaayusan, kalinisan, at disiplina.
Dagdag pa ng alkalde, “[A]ng hinahanap natin ay balanse—may pagkakataong kumita ang ating mga manininda, ngunit may kapalit na responsibilidad na panatilihing malinis at maayos ang kanilang paligid.”
Sa kaugnay na ulat, ipinatawag ni Domagoso ang mga manininda sa Fusion Alley noong Huwebes, Hulyo 30, dahil sa inakyat na reklamo ng isang student-journalist dahil umano sa sobrang ingay at dumi sa lugar na nakakaperwisyo sa mga residenteng nakatira sa paligid nito.
Ang Fusion Alley ay nagsilbing “night hub” sa Sampaloc, Maynila, na dinadagsa ng mga mag-aaral mula sa university belt, vloggers, at mga turista, dahil sa samu’t saring pagkain dito.