July 30, 2026

Home BALITA Probinsya

Tatay, arestado matapos buntisin at abusuhin anak niyang menor de edad!

Tatay, arestado matapos buntisin at abusuhin anak niyang menor de edad!
Photo courtesy: Unsplash

Naaresto ng mga awtoridad ang isang 51-anyos na lalaki na nahaharap sa apat na bilang ng kasong qualified rape matapos umanong paulit-ulit na halayin ang sarili niyang menor de edad na anak at mabuntis ito sa Santa Rosa City, Laguna noong 2025.

Isinagawa ng mga operatiba ng Regional Intelligence Division (RID) ng Calabarzon Police ang pagdakip sa suspek sa Barangay Baybay Sur, Miagao, Iloilo, matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa kaniyang kinaroroonan.

Ayon kay RID-Calabarzon chief Police Col. Vicente Cabatingan, nagsagawa muna ng surveillance ang mga pulis bago isinilbi ang warrant of arrest laban sa suspek.

“Kasi nagtago talaga siya sa Mindanao. Bihira lang siyang bumalik diyan sa Iloilo, nagkaroon tayo ng positive identification nito sa mga kamag-anak considering nga nagbago na yung mukha niya doon,” ani Cabatingan sa media.

Ayon naman kay Brig. Gen. Dominic Baccay, acting regional director ng Calabarzon Police, apat na magkakahiwalay na pagkakataon umanong hinalay ng suspek ang kaniyang anak sa pagitan ng Mayo at Agosto noong 2025, habang ang biktima ay nasa edad 11 o 12 taong gulang pa lamang.

Probinsya

2-anyos na batang nawawala, naaagnas na nang natagpuan!

Dahil sa umano'y pang-aabuso, nabuntis ang bata at kalaunan ay nanganak.

Sinabi ni Baccay na hindi umano nakatanggap ng tulong ang biktima mula sa kaniyang ina kaya't naglakas-loob siyang magsumbong sa isang barangay midwife, na naging daan upang mabigyan siya ng proteksiyon.

“So hanggang ito ay nakapagsumbong actually sa barangay midwife. Kaya yun ang tumulong sa kaniya. Kinupkop yung biktima ng City Social Welfare and Development. So yun po ang tumulong at nagsumbong sa ating kapulisan,” saad pa ni Baccay.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office ang biktima at ang kaniyang anak.

Hinikayat din niya ang mga biktima ng pang-aabusong seksuwal na huwag matakot na magsumbong sa mga kinauukulan.

Samantala, ang suspek, na kabilang din sa most wanted persons ng Calabarzon, ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Santa Rosa City Police Station habang nahaharap sa mga kasong isinampa laban sa kaniya.