July 30, 2026

Home BALITA Probinsya

Tagak, nasagip mula sa mga tirador sa Angeles City!

Tagak, nasagip mula sa mga tirador sa Angeles City!
Photo courtesy: Angeles City Information Office (FB screenshot)

Nasagip ng mga awtoridad sa Angeles City, Pampanga ang isang heron o tagak mula sa mga kalalakihang gumamit ng tirador upang hulihin ito. 

Mapapanood sa video na ibinahagi ng Angeles City Information Office noong Miyerkules, Hulyo 29, na bumagsak ang tagak sa Abacan Creek matapos itong tirahin ng tirador ng dalawang lalaki, kabilang ang isang menor de edad, na pinaniniwalaang naninirahan malapit dito. 

Makikita ring nilapitan pa ng isa sa kalalakihan ang tagak upang tusuk-tusukin ito ng kaniyang tsinelas. 

Ang ambang paghuhuli sa tagak ay namataan ng Angeles City Command Center sa pamamagitan ng CCTV. 

Dahil sa agad na pakikipag-ugnayan ng Angeles City Command Center sa Angeles City Traffic Development Office (ACTDO), mabilis na nai-turnover ang tagak sa City Veterinary Office. 

Probinsya

Grade 6 pupil, nakuhanan ng baril sa eskwelahan!

Dito ay nabigyan ng “Enrofloxacin” ang tagak bilang antibiotic; “Tolfenamic” bilang anti-inflammatory; at “Duphalyte” bilang kaniyang vitamin supplement. 

Sa kasalukuyan, patuloy na binabantayan ng City Veterinary Office ang kondisyon ng tagak.

Samantala, ipinaalala ng Angeles City Information Office sa publiko na iwasang hulihin, saktan o kaya’y gamitan ng tirador ang mga makikitang wildlife, dahil ang mga ito ay bahagi ng kapaligiran at nararapat itong alagaan. 

Dagdag pa ni Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II, sa mga residente ng Angeles City, maging responsable at mapagmatyag, at kung sakaling makakita ng mga insidenteng maaarin makapinsala sa wildlife, agad itong ipagbigay-alam sa mga awtoridad. 

Inirerekomendang balita