Inaresto ng mga awtoridad ang isang 18-anyos na estudyante matapos umanong mag-post ng bomb threat laban sa sarili niyang paaralan sa social media.
Nangyari ang insidente noong Hulyo 27, 2026, matapos maglabas ang suspek ng babala sa Facebook tungkol sa umano'y pagpapasabog sa kanilang paaralan.
Ayon kay Llanera Police Acting Chief Capt. Edmer Portilio, ito ang nakasaad sa social media post ng estudyante, ‘Hi, magpapasabog po ako sa school, sa school bukas. Ingat.’"
Dahil sa naturang banta, agad na rumesponde ang Explosive Ordnance Disposal (EOD) unit ng Philippine National Police (PNP) upang inspeksiyunin ang paaralan.
Matapos ang ilang oras na pagsusuri, kinumpirma ng mga awtoridad na walang natagpuang anumang pampasabog sa loob ng campus.
Kalaunan ay natunton at naaresto ng pulisya ang estudyante. Nasamsam din ang kaniyang cellphone, na isasailalim sa cybercrime forensic examination bilang bahagi ng imbestigasyon.
Sa isinagawang pagtatanong, inamin umano ng suspek na siya ang gumawa ng naturang post at sinabi nitong nais lamang niyang masuspinde ang klase.
"’Para lang pong walang pasok po sa nasabing paaralan,’ Yun po ang sinabi niya sa akin. Base po sa pag-iimbestiga namin, yun lang po yung naging alibi niya," ani Portilio.
Humingi rin ng paumanhin ang estudyante at iginiit na wala siyang intensyong isagawa ang anumang pambobomba.
"Huwag ninyo subukan gawin yung mga ganun. Hindi maganda dito sa loob,” aniya pa.
Nahaharap ngayon ang estudyante sa reklamong paglabag sa Anti-Bomb Joke Law at sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang administrasyon ng paaralan kaugnay ng insidente sa kabila ng mga pagsisikap ng media na makuha ang kanilang panig.