July 30, 2026

Home BALITA Metro

May tulak, may kita? Torre, sinabing sinasadyang barahan ang drainage para kumita sa pagbaha!

May tulak, may kita? Torre, sinabing  sinasadyang barahan ang drainage para kumita sa pagbaha!
Photo courtesy: Nicolas Torre III (FB)/MB File Photo

Ibinunyag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III na may mga indibidwal umanong sadyang naglalagay ng bara sa mga drainage sa Metro Manila upang magdulot ng pagbaha at pagkakitaan ang sitwasyon.

Ang pahayag ni Torre ay kasunod ng malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila dulot ng malakas na pag-ulan nitong Miyerkules, Hulyo 29.

Sa panayam sa programang “Ted Failon at DJ ChaCha” sa True FM nitong Huwebes, Hulyo 30, sinabi ni Torre na may nakikita silang mga sinasadyang pagharang sa mga drainage system.

“May nakikita tayong may mga deliberate attempt, na yung ating mga drainage eh medyo sinasadyang barahan para ’pag may itutulak, may kikitain,” ani Torre.

Pero aniya, aminado rin siyang mahirap patunayan ang naturang gawain, ngunit naniniwala siyang may mga taong nakikinabang kapag nagkakaroon ng pagbaha.

Metro

NAPOLCOM, nakiramay sa mga naiwan ng nasawing pulis na naaksidente matapos SONA duty

”’Di ko alam kung paano i-frame pero may mga gustong-gustong may baha kasi kapag may tulak, may kita,” dagdag niya.

Dahil dito, sinabi ni Torre na nagpakalat na ang MMDA ng mga tauhan upang mas mahigpit na bantayan ang mga drainage at tukuyin ang mga posibleng nasa likod ng umano’y pananabotahe.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang ahensya sa iba pang sektor upang mapigilan ang ganitong mga aktibidad at matiyak na maayos ang daloy ng tubig-ulan sa mga pangunahing lansangan.

Inihayag din ng hepe ng MMDA na magpapatawag sila ng inter-agency meeting kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan upang pag-usapan ang mga hakbang laban sa umano’y sinasadyang pagbabara sa drainage at iba pang isyung may kaugnayan sa pagbaha sa Metro Manila.

Patuloy naman aniyang nagsasagawa ng clearing operations ang MMDA sa iba’t ibang lugar upang alisin ang mga basura at iba pang bagay na nakabara sa mga kanal, kasabay ng panawagan sa publiko na makiisa sa pagpapanatiling malinis ang mga daluyan ng tubig upang mabawasan ang panganib ng pagbaha.