July 30, 2026

Home BALITA Probinsya

DSWD, nilagyan ng floor tiles evacuation tents sa Sarangani: 'Mas komportable!'

DSWD, nilagyan ng floor tiles evacuation tents sa Sarangani: 'Mas komportable!'
Photo courtesy: DSWD


Ibinida ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang “upgraded” nilang evacuation tents sa Glan, Sarangani bilang pansamantalang panunuluyan ng mga residenteng apektado ng iba’t ibang kalamidad.

Sa video na mapapanood sa Facebook page ng DSWD nitong Huwebes, Hulyo 30, ipinakita nila ang evacuation tents na may tiles, swak para sa komportable at maayos na tuluyan ng evacuees.

“Sa panahon ng kalamidad, mahalagang matiyak na may ligtas at maayos na pansamantalang matutuluyan ang mga pamilyang lumikas sa kani-kanilang mga tahanan,” panimula ng DSWD.

Anila, “Kaya naman ang ating mga Angels in Red Vests ay hindi lang naghahatid ng mainit na pagkain at relief items. Sinisiguro rin nilang maayos, malinis at komportable ang pansamantalang matutuluyan ng mga pamilyang nananatili sa evacuation centers.”

“Ngayong tag-ulan, nilagyan ng DSWD ng floor tiles ang mga family tents sa Glan, Sarangani para makatulong na mapanatiling malinis at tuyo ang tinutuluyan ng mga pamilyang lumikas—iwas-putik, iwas-basa at mas komportable para sa bawat pamilya,” dagdag pa nila.

Anang ahensya, makatutulong ang inobasyong ito upang maiwasan ang pagkakasakit ng mga residente na dala ng dumi at putik; gayundin ang lamig ng panahon tuwing sasapit ang gabi.

Maliban pa rito, may solar lights din ang bawat upgraded evacuation tents para matiyak na ligtas at panatag ang bawat isa tuwing sila ay nagpapahinga o natutulog.

“Ang mga ito ay bahagi ng pansamantalang suporta ng DSWD habang sila ay unti-unting bumabangon; at naghahanda sa pagbabalik sa kanilang normal na pamumuhay,” anang DSWD.

“Ang pagtulong ng DSWD ay hindi nagtatapos sa pag-aabot ng relief packs o hygiene kits sa unang linggo ng sakuna. Ang tunay na kalinga ay continuous support; dahil ang bawat Pilipino ay may karapatang mamuhay nang ligtas at higit sa lahat, may dignidad,” dagdag pa ng ahensya.

Probinsya

2-anyos na batang nawawala, naaagnas na nang natagpuan!