July 29, 2026

Home BALITA National

‘Common sense!’ Pagpapalipad ng rocket, parte ng pag-asenso ng bansa—Palasyo

‘Common sense!’ Pagpapalipad ng rocket, parte ng pag-asenso ng bansa—Palasyo
Photo courtesy: RTVM/YT


Tahasang inilahad ng Malacañang na bahagi umano ng pag-asenso ng Pilipinas ang plano nitong mag-launch ng isang rocket.

Matatandaang isiniwalat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa ikalima niyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, Hulyo 27, na ikakasa ng bansa ang kauna-unahan nitong spaceport sa lalawigan ng Cagayan sa taong 2027, katuwang ang isang South Korean aerospace company.

Sa press briefing na isinagawa ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Hulyo 29, nagbigay ng mensahe si PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro para sa mga umano’y tumataas ang kilay hinggil sa naturang rocket initiative ng Pangulo—sa kabila ng marami pa ring isyung kinahaharap ng bansa.

“‘Yong mga tumataas ang kilay, ibaba na nila; ang iangat natin, at ang iakyat natin, at ang itaas natin, ay ang mga naisin ng Pangulo para sa bansa, at para sa taumbayan. Huwag na silang magsilbi na balakid sa mga ninanais ng Pangulo, sa pag-asenso ng ating bansa,” saad ni Usec. Castro.

Aniya, “Kung sila po ay nakinig sa Pangulo, at nakikita po nila ang lahat ng programa, ito po naman ay tinutugunan ng ating Pangulo. Hindi pa po tapos ang obligasyon ng ating Pangulo sa pag-usad ng ating bansa. Nandiyan pa rin po—tuloy-tuloy ang pagtatrabaho.”

Natanong din ang press officer kung nabanggit ba sa kaniya ni PBBM ang “gains” na maaaring makuha ng Pilipinas sa plano nitong rocket launching.

National

MVP pag inalis ang system loss charges: 'It is not a small matter, who's going to pay for that?'



“Ito po ay isang parte ng pag-asenso ng bansa, common, common sense,” anang press officer.

Matatandaang isa si Sen. Robin Padilla sa mga nagbigay rin ng kaniyang sentimyento hinggil sa nabanggit ni PBBM na rocket launching.

"Ang kahilingan ko lang po, bago po tayo makarating diyan, e maayos muna po ‘yong transportasyon namin sa Bicol," saad ni Padilla sa isang pahayag noong Martes, Hulyo 28.

"Sana po, mabigyan natin ng atensyon na bago tayo mapunta sa rocket, magkaroon din tayo ng bullet train,” anang mambabatas.