Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Vice President Sara Duterte sa mga Overseas Filipino sa United Kingdom, bilang pagkilala sa kanilang sipag, dedikasyon, at mga sakripisyong ginagawa para sa kanilang pamilya at sa bansa.
Sa kaniyang mensahe, pinuri ng Bise Presidente ang katatagan at walang sawang pagsisikap ng mga Pilipino sa UK, na aniya ay nagsisilbing inspirasyon sa marami, matapos ang pagbisita niya roon kamakailan.
Ayon kay Duterte, malaki ang naiaambag ng Overseas Filipinos hindi lamang sa kanilang mga komunidad sa United Kingdom kundi maging sa Pilipinas.
Binigyang-diin din niya ang kabutihang-loob, pagkakaisa, at pagmamahal ng mga ito sa kanilang pamilya at sa bayan.
Hiling din ng Bise Presidente na patuloy na pagpalain ang mga Pilipino sa UK ng mabuting kalusugan, tagumpay, at kaligayahan sa kanilang buhay at hanapbuhay.
“To all Overseas Filipinos in the United Kingdom, thank you for your hard work, dedication, and sacrifices. Your resilience and commitment continue to inspire many, and your contributions make a positive difference both in your communities in the UK and back home in the Philippines,” saad ni Duterte.
Dagdag pa niya, “Your kindness, unity, and love for your families and country are deeply appreciated. May you continue to be blessed with good health, success, and happiness.”
Tinapos ng Bise Presidente ang kaniyang mensahe sa pagsasabing, “Daghang salamat!" kalakip ang larawan niya habang may hawak na placard na ibinigay sa kaniya ng mga Pilipino sa Uk na sumalubong sa kaniya.