Isang 17-anyos na binatilyo ang nasugatan matapos umanong mabiktima ng isang planadong pananambang sa itinakdang "meet up" sana sa Barangay Tiniguiban, Puerto Princesa City, Palawan noong gabi ng Sabado, Hulyo 25.
Batay sa inisyal na impormasyon, nagtungo ang biktima kasama ang dalawa niyang kaibigan sa lugar kung saan sila nakipagkita sa isang taong nakilala lamang umano sa social media at gumamit ng pangalang "Ms. Yang."
Ngunit pagdating nila sa napagkasunduang lokasyon, sinalubong sila ng grupo ng tinatayang 10 kabataan.
Ayon sa ulat, pinatumba ang motorsiklong sinasakyan ng biktima bago siya pinagtulungan umanong suntukin at sipain ng mga suspek.
Nagtamo ng mga galos sa tuhod ang binatilyo, habang nakatakas naman ang dalawa niyang kasamahan sa gitna ng kaguluhan.
Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng City Anti-Crime Unit at Philippine National Police (PNP) matapos makatanggap ng tawag sa emergency hotline na 911.
Gayunman, nakatakas na ang mga suspek bago pa man dumating ang mga awtoridad.
Dinala ng mga pulis ang tatlong menor de edad sa barangay hall upang makapaghain ng blotter kaugnay ng insidente.
Samantala, muling nagpaalala ang pulisya sa publiko, lalo na sa kabataan, na maging mapanuri sa pakikipagkilala sa social media at iwasang makipagkita sa mga taong hindi pa lubos na kilala upang maiwasang mabiktima ng mga kahalintulad na insidente.