Inimplementa ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRT) - 2 ang “shortened operations” sa kanilang mga biyahe ngayong Sabado, Hulyo 25, upang ayusin ang kanilang mainline track sa pagitan ng V. Mapa at J. Ruiz stations.
Saad ng LRT-2, binibigyang daan ng shortened operations na ito ang agarang pagsasaayos at pagpapalit ng rigid frognose upang matiyak na maayos ang pagdaan ng tren kapag lumilipat ito sa ibang track.
Sa pakikipagtulungan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine Ports Authority (PPA), Philippine Coast Guard (PCG), at Philippine National Railways (PNR), naglaan ang pamunuan ng LRT-2 ng shuttle van bilang alternatibong transportasyon para sa mga apektadong pasahero.
Ang huling biyahe ng tren mula sa Recto station ay 8:00 ng gabi habang 7:30 naman ng gabi ang huling biyahe mula sa Antipolo Station.
Sa kabilang banda, tiniyak naman ng pamunuang muling magbabalik sa regular na operasyon ang kanilang mga biyahe sa Linggo, Hulyo 26.