July 25, 2026

Home BALITA Internasyonal

Passenger plane na nawala ng pitong dekada, muling natagpuan!

Passenger plane na nawala ng pitong dekada, muling natagpuan!
Photo courtesy: AP Photo

Mahigit pitong dekada matapos ang trahedyang pagbagsak ng isang passenger plane, muli itong natagpuan sa ilalim ng karagatan. 

Batay sa pahayag ng Air/Sea Heritage Foundation (ASHF) noong Martes, Hulyo 21, ang passenger plane na “Clipper Endeavor” ng Pan American Airways ay natagpuan noong Hunyo sa Karagatang Atlantiko sa hilagang baybayin ng Puerto Rico. 

Saad pa ng ASHF, ang Clipper Endeavor ay natunton sa pamamagitan ng high-resolution sonar matapos ang ilang taong imbestigasyon na kanilang pinangunahan sa pakikipagtulungan sa Deep Sea Vision (DSV), na isang Eco Minerals Company, at ang Emmy Award-winning series na “Expedition Unknown” ng Discovery Channel. 

KUWENTO SA LIKOD NG PAGKAKATUKLAS 

Ang Clipper Endeavor ay kinilala sa kasaysayan ng Puerto Rico bilang “The Good Friday Tragedy” dahil nangyari ito noong Abril 11, 1952, na tumapat sa araw ng Biyernes Santo. 

Internasyonal

Mayor Mamdani, sang-ayong arestuhin si PM Netanyahu

Ang passenger flight ay umalis ng Aeropuerto de Isla Grande patungo sa Idlewild Airport, New York City, USA, lulan nito ang limang crew members at 64 pasahero. 

Pagka-takeoff pa lamang nakaranas na ang passenger flight ng engine failures, na naging dahilan para mag-water landing ang piloto.

Naitalang ang mga taong nakasakay dito ay nakaligtas sa impact, bagama’t nasira ang buntot ng aircraft.

Ngunit dahil walang safety briefing at evacuation procedure na naganap, kasama na rin dito ang pagkakaroon ng malaking language barrier, ang mga pasahero ay naharap sa matinding pagkalito at pagkakagulo. 

Wala pang tatlong minuto, hinampas na rin ng malalaking alon ang aircraft na nagdulot upang lumubog ito.

Kaya bagama’t nagkaroon ng agarang tulong mula sa US Coast Guard at Air Force, tanging ang limang crew at 12 pasahero lamang ang nailigtas. 

Ang trahedyang ito ang nag-udyok sa Civil Aeronautics Board na magkaroon ng mandatory safety briefing at emergency procedure demonstrations bago ang bawat paglipad.