Usap-usapan ng mga netizen ang naispatang reaksiyon ng misis ni Sen. Robin Padilla na si Mariel Rodriguez-Padilla tungkol sa social media post ng direktor na si Darryl Yap, sa posibilidad na "gawing Vice President" ang senador sa 2028 national elections.
Sa Facebook post ni Yap noong Hulyo 22, matapos ang naging pagbatikos ng mga netizen sa mga naging pahayag ni Padilla sa ikasiyam na araw ng impeachment trial, "Ayaw ng Kakampinks kay Robin Padilla bilang Senador. Gawin nating Vice President."
Hindi naman ito umano pinalampas ni Mariel, na nag-iwan umano ng maikling komento sa naturang post, gamit ang Facebook account na "Mariel Termulo-Padilla, na mapapansing hindi naman verified o walang "blue check" sa profile.
Para sa mga hindi nakakaalam, ang tunay na pangalan ni Mariel ay Maria Erlinda Lucille Termulo, at screen name lamang ang Mariel Rodriguez.
"Good morning Direk!!!!" mababasa sa comment section ng post ni Yap.
Photo courtesy: Screenshot from Darryl Yap (FB)
Bagay na umani naman ng mga reaksiyon at komento sa mga netizen, lalo't nakapangalan umano kay Mariel ang account at ang profile picture ay sa kaniya.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento na mababasa naman sa comment section ng post na sinasabing social media account ng misis ng senador:
"feel na feel?"
"teh tama ka na teh hahahaha"
"funny hahaha"
"whwhahhahahaha amakana accla"
"feel na feel naman buang"
Samantala, sa isa pang Facebook post, hayagang ipinagtanggol ni Yap ang senador kasunod ng mga batikos na natanggap nito dahil sa naging pahayag sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa direktor, mali umano ang interpretasyon ng ilan sa naging paggamit ni Padilla ng salitang "one-sided," at iginiit na ang nais umanong ipahiwatig ng senador ay ang umano'y "double standard" sa pagtrato sa magkabilang panig.
Ipinunto rin ni Yap na nauunawaan umano ng mga ordinaryong Pilipino ang nais sabihin ni Padilla at kinuwestiyon kung bakit may mga sitwasyong tinatanggap ang isang hakbang kapag pabor sa isang panig ngunit tinututulan kapag nakikinabang ang kabilang panig.
Ikinumpara rin niya si Padilla kay Sen. Risa Hontiveros, kasabay ng pagpuri sa senador dahil umano sa pagiging direkta nito sa pagsasalita at hindi pagpapanggap.
Sa pagtatapos ng kaniyang post, muling ipinahayag ni Yap ang suporta kay Padilla at iginiit na kinakatawan umano nito ang boses ng karaniwang Pilipino sa kabila ng patuloy na batikos na natatanggap sa social media.