July 25, 2026

Home BALITA Politics

X-ray technician, kalaboso sa pagkuha ng video sa pasyenteng nagbibihis!

X-ray technician, kalaboso sa pagkuha ng video sa pasyenteng nagbibihis!
Photo courtesy: Unsplash

Arestado ang isang 25-anyos na lalaki matapos ireklamo ng isang babaeng pasyente na umano'y palihim siyang kinuhanan ng video habang nagpapalit ng damit sa loob ng isang examination room ng isang pribadong clinic sa Tondo, Maynila.

Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, nagtungo ang 27-anyos na biktima sa clinic para sumailalim sa kaniyang taunang medical examination. 

Habang naghahanda para sa X-ray procedure, napansin umano nito ang isang cellphone na nakapuwesto sa ilalim ng mesa at nakatutok sa kaniyang pwesto.

Dahil sa kaniyang hinala, agad niyang sinuri ang cellphone at isinumbong ang insidente sa pamunuan ng clinic at sa pulisya.

Sa isinagawang pagsusuri sa cellphone na pinaniniwalaang pag-aari ng suspek, nadiskubre umano ng mga imbestigador ang ilang video na pinaghihinalaang kuha rin ng iba pang mga babaeng pasyente sa loob ng pasilidad.

Politics

'This is a grave accusation!' Romualdez, pumalag sa umano'y plano niyang paglabas ng bansa

Kasunod nito, inaresto ang suspek at isinailalim sa kustodiya habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kaniya dahil sa umano'y paglabag sa mga batas na nagpoprotekta sa privacy at laban sa video voyeurism.

Lumabas din sa imbestigasyon na hindi pala lisensiyadong X-ray technician ang suspek. Ayon sa pamunuan ng clinic, nagpakilala lamang umano ito bilang isang radiologic technology student upang makapagtrabaho sa kanilang pasilidad.

Patuloy namang tinutukoy ng mga awtoridad ang iba pang posibleng biktima at hinihikayat ang sinumang naniniwalang naapektuhan ng insidente na makipag-ugnayan sa pulisya upang makatulong sa isinasagawang imbestigasyon.