Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaking nagpoproseso ng mga pekeng birth certificate sa Quezon City, kung saan ginagamit pa nito ang mga papel, tinta, at QR codes ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa ulat ng NBI nitong Biyernes, Hulyo 24, sa isinagawa nilang entrapment operation noong Miyerkules, Hulyo 15, hiningi ng suspek ang pangalan, petsa at lugar ng kapanganakan, at pangalan ng ama at ina ng agent, na ilalagay sa pekeng birth certificate, kapalit ang halagang ₱5,000 kada kopya.
Bilang “downpayment,” nag-order ng dalawang pekeng birth certificate ang agent sa halagang ₱1,000 at ipinadala ito sa Gcash number ng suspek.
Matagumpay na inaresto ng Counter Terrorism Division (CTD) ng NBI ang suspek matapos nitong ibigay ang dalawang kopya ng birth certificate at tanggapin ang marked money.
Samantala, nilabag ng suspek ang Artikulo 172 ng Revised Penal Code o ang Falsification of Public Document by Private Individual na may kaugnayan sa Artikulo 191.