Arestado ang isang barangay kagawad sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Barangay Ortiz, City Proper, Iloilo City kamakailan, matapos siyang masabatan ng aabot sa ₱2.24 milyong halaga ng hinihinalang shabu.
Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP) noong Huwebes, Hulyo 23, nasakote ang opisyal ng barangay na kinilala sa alias na “Buldog,” 46-anyos, isang high-value individual (HVI).
Sa pagtutulungan ng Iloilo City Police Office, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at ilang operating units, narekober sa suspek ang aabot sa 330 gramo ng umano’y shabu.
Nasamsam din sa nasabing operasyon ang buy-bust money at ilang non-drug items—na siyang gagamitin upang sampahan ng kaso ang suspek.
“The operation forms part of the PNP's sustained anti-illegal drug campaign under its Focused Agenda, particularly Enhanced Managing Police Operations, which strengthens intelligence-driven and coordinated law enforcement efforts,” saad ng PNP.
“It also supports the administration of President Ferdinand R. Marcos Jr. in promoting safer communities through consistent and lawful enforcement of the country's anti-illegal drug laws,” dagdag pa nila.
Ayon naman kay PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., walang special treatment pagdating sa pagpapatupad ng batas.
"Mas mataas ang inaasahan ng taumbayan sa mga taong nanunungkulan sa pamahalaan. Kaya malinaw ang ating paninindigan—walang puwang ang espesyal na pagtrato sa pagpapatupad ng batas. Ang bawat operasyon ay isinasagawa batay sa ebidensya, at ang bawat kaso ay hahawakan nang patas, may paggalang sa due process, at naaayon sa batas. Iyan ang tungkuling patuloy na gagampanan ng PNP," saad ni Nartatez.
Tiniyak naman ng ahensya na ipagpapatuloy nila ang pagpapaigting ng mga operasyong may kinalaman sa ilegal na droga—kasabay ang pagpapaalala sa publiko na maging mas alerto at mapagmatyag hinggil sa mga kahina-hinalang mga aktibidad sa bawat komunidad.