Sinimulan na ng Department of Education (DepEd) ang nationwide hiring para sa 10,000 posisyon ng School Counselor Associate I bilang bahagi ng pagpapalakas ng mental health at psychosocial support para sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Ayon sa DepEd, ang pagbubukas ng mga bagong posisyon ay kasunod ng pagpapatupad ng DepEd Order No. 019, s. 2026, na nagpatibay sa qualification standards na inaprubahan ng Civil Service Commission (CSC) alinsunod sa Republic Act No. 12080 o ang Basic Education Mental Health and Well-being Promotion Act.
Inatasan na rin ng kagawaran ang mga Schools Division Office (SDO) na nakatanggap na ng kanilang Notice of Organization, Staffing, and Classification Action (NOSCA) na simulan ang recruitment para sa entry-level positions.
Upang mapabilis ang proseso ng aplikasyon, gagamitin ng lahat ng SDO ang Agile Gateway for Appointments and Placements (AGAP) System, isang online platform kung saan maaaring isumite ng mga aplikante ang kanilang mga dokumento at maproseso nang digital ang kanilang aplikasyon at appointment.
Maglalagay rin ang DepEd ng mga physical assistance kiosk at help desk sa mga Schools Division Office upang matulungan ang mga aplikanteng may limitadong access sa internet at online services.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalagang hakbang ang pagkuha ng mga School Counselor Associates upang matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral pagdating sa mental health.
“Hindi lang ito tungkol sa pagpuno ng mga plantilla positions. Napakahalaga ng pag-hire natin ng mga School Counselor Associates dahil sila ang magiging kaagapay ng ating mga mag-aaral sa pang-araw-araw nilang mental health at psychosocial needs,” ani Angara.
Batay sa DepEd, ang mga School Counselor Associate ay magsasagawa ng pangunahing mental health services, learner support, documentation, at referral services bilang katuwang ng mga rehistradong guidance counselor sa mga pampublikong paaralan.
Maaaring mag-apply sa entry-level position ang mga nagtapos ng bachelor's degree sa Guidance and Counseling, Psychology, o iba pang kaugnay na kurso na may kinakailangang units sa guidance, counseling, o behavioral science. Kinakailangan din ang Career Service Professional (Second Level) Eligibility, habang hindi naman hinihingi ang naunang karanasan sa trabaho o karagdagang pagsasanay.
Ayon sa DepEd, bahagi ang pagkuha ng 10,000 School Counselor Associates sa pagpapatupad ng RA 12080 na naglalayong higit pang paigtingin ang school-based mental health at well-being services para sa mga mag-aaral sa buong bansa.