Itinuturing na “growing threat” ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Davao Region ang pagdami ng gumagalang “feral cats” sa native wildlife ng Mt. Apo.
Batay sa inilabas na pahayag ng DENR noong Huwebes, Hulyo 23, bagama’t “skilled predators” ang mga pusang ito, nakadaragdag sila sa banta ng mga hayop na naninirahan at naghahanap ng pagkain sa kagubatan ng Mt. Apo, dahil hindi sila tunay na “native predators” mula rito.
Binanggit din ng DENR na isa pa sa mga alalahaning dulot ng feral cats ay ang mabilis nilang pagdami dahil sa kakayahan nilang manganak ng hanggang tatlong kuting, dalawang beses sa isang taon.
Nakadaragdag din sa alalahanin ng ahensya ay ang hindi maayos na pagtatapon ng mga basura at tira-tirang pagkain sa hiking trails at camp sites, na madalas binibisita ng mga pusa sa gabi upang kumain.
Anila pa, naeenganyo ang mga pusa dahil sa food sources sa lugar, na nagpapaigting ng tyansa ng kanilang pakikisalamuha sa mga hayop dito at mas magparami pa.
Upang matugunan ang “growing threat” na ito, magpapakalat ng “humane” o maayos na cat traps ang pamunuang Mt. Apo Natural Park upang hulihin ang mga pusa rito.
Tiniyak ng DENR na ang mga mahuhuling pusa ay ligtas na ibibiyahe palabas sa protected area ng Mt. Apo upang i-turnover sa mga nararapat na Local Government Units (LGUs) para sa wastong pangangasiwa sa mga ito.
Sa kasalukuyan, may mga karagdagang traps nang nabili ang pamunuan upang mas pagtibayin ang inisyatibang ito.
Samantala, nanawagan ang pamunuang Mt. Apo Natural Park sa mga bumibisitang trekkers, porters, at guides, ng maayos na pagtatapon ng mga tirang pagkain upang maiwasang bumuo ng permanenteng tirahan ang mga pusa sa protected areas ng Mt. Apo.
Dagdag pa ni Clint Michael B. Cleofe, na Protected Area Superintendent ng Mount Apo Natural Park, para sa mga bumibisita rito, iwasang pakainin ang mga pusa, gayundin ang pag-iiwan ng mga mga basura o anumang tira-tirang pagkain dito.
“When you visit Mt. Apo, never feed stray or feral cats, no matter how harmless they may seem. Likewise, never leave food scraps or other waste behind. Properly pack out your trash and strictly observe the Leave No Trace Principles,” saad ni Cleofe.
“By keeping the mountain free from food waste, we help ensure that wildlife remains wild and that invasive predators are discouraged from making the forest their home,” dagdag pa niya.