Ikinasa ng Department of Transportation (DOTr) ang ikalawang araw ng kanilang libreng sakay para sa mga apektadong pasahero ng tigil-pasada.
Matatandaang isinagawa ng grupong MANIBELA ang two-day transport strike mula noong Miyerkules, Hulyo 22 hanggang Huwebes, Hulyo 23 bilang panawagan ukol sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa anunsyong ibinahagi ng DOTr noong Miyerkules, Hulyo 22, idiniin nilang katuwang nila ang Philippine Coast Guard (PCG), Department of Energy (DOE), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), at Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagpapasinaya nasabing libreng sakay.
Anila, kabilang sa mga rutang seserbisyuhan ng libreng sakay ay ang Welcome Rotonda-Fairview; Recto-Cubao via Nagtahan; Quiapo-Cubao via E. Rodriguez; Quiapo-Fairview; Kalentong-Pasig Palengke; at PITX-Lawton at vice versa.
Nauna nang rumatsada ang unang bahagi ng libreng sakay ngayong araw dakong 7:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga.
Ikakasa naman ang ikalawang bahagi nito mamayang 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi.
“Bilang tugon pa rin ito sa utos ng Pangulo na tiyaking may ligtas na masasakyan ang mga pasahero sa pagpapatuloy ng tigil-pasada sa ilang lugar,” saad ng DOTr.