Patay ang isang walong taong gulang na Grade 3 pupil matapos ang umano’y pananakit na sinapit niya sa loob ng isang pampublikong paaralan sa Davao City, ayon sa kaniyang pamilya.
Batay sa paunang impormasyon, naganap umano ang insidente noong Hulyo 17, kung saan sinasabing pinagsusuntok ng tatlong lalaking kaklase ang biktima sa loob ng paaralan.
Ayon sa pamilya, nagsimulang magreklamo ang bata ng matinding pananakit ng ulo at nilagnat pagsapit ng Hulyo 21. Agad siyang isinugod sa Southern Philippines Medical Center (SPMC), kung saan lumabas sa CT scan na may namuong dugo at pagdurugo sa kaniyang ulo.
Sa kabila ng agarang gamutan, nalagutan din siya ng hininga habang ginagamot sa ospital. Pormal namang iniulat ng ina ng bata ang insidente sa pulisya noong Hulyo 22.
Dahil sa pangyayari, nagsagawa na ng malalim na imbestigasyon ang Davao City Police Office (DCPO) upang matukoy ang buong detalye ng insidente at ang posibleng pananagutan ng sinumang sangkot.
Nakikipag-ugnayan na rin ang mga imbestigador sa pamunuan ng paaralan, mga opisyal ng Department of Education, at iba pang kaukulang ahensya upang makalikom ng ebidensya at mabuo ang timeline ng mga pangyayari.
Nagpaabot ng pakikiramay si DCPO Director Police Colonel Peter Bauzon Madria sa naiwang pamilya ng bata at tiniyak na magiging masusi at walang kinikilingang ang isinasagawang imbestigasyon.
Samantala, nananawagan ang pamilya ng biktima ng agarang hustisya at hinikayat ang mga magulang na seryosohin ang anumang isinusumbong ng kanilang mga anak tungkol sa mga insidenteng nagaganap sa loob ng paaralan.
Sa ngayon, nilinaw ng pulisya na hindi pa nila nakukumpirma kung ang pagkamatay ng bata ay direktang dulot ng umano'y pananakit.
Patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay at ang posibleng pananagutan ng mga sangkot.
Hinimok din ng DCPO ang publiko at media na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at igalang ang pagdadalamhati at privacy ng pamilya ng biktima.