July 23, 2026

Home BALITA Metro

Anak, tinodas sariling ina matapos humingi ng tulong para sa mental health niya!

Anak, tinodas sariling ina matapos humingi ng tulong para sa mental health niya!
Photo courtesy: Unsplash

Patay ang isang 51-anyos na babae matapos umano siyang pagsasaksakin ng sarili niyang anak sa Barangay Sonog, San Francisco, Cebu, noong umaga ng Hulyo 21, 2026.

Kinilala ng pulisya ang biktima sa alyas na si alyas "Melody," isang Barangay Utility Worker, habang ang suspek ay ang kaniyang 29-anyos na anak na tinukoy lamang sa alyas na "Lyle."

Batay sa paunang imbestigasyon, nag-ugat umano ang insidente matapos humingi ng tulong ang biktima sa barangay, kaugnay ng pagpapagamot ng kaniyang anak para sa kondisyon nito sa pag-iisip sa Rural Health Unit.

Pag-uwi umano ng biktima sa kanilang bahay, bigla na lamang siyang hinabol ng suspek na armado ng patalim at ilang ulit na sinaksak.

Nagtamo ang biktima ng maraming saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan. Natagpuan na lamang siyang walang buhay sa isang madamong lugar.

Metro

QC, magpapatupad ng ‘liquor ban’ sa SONA

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang San Francisco Municipal Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa custodial facility ng himpilan ng pulisya habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.

Sa ngayon, wala pang karagdagang detalye ang pulisya hinggil sa motibo ng suspek maliban sa mga paunang natuklasan sa imbestigasyon.

Patuloy pang nangangalap ng ebidensya at kumukuha ng mga pahayag mula sa mga testigo ang mga awtoridad upang mabuo ang kabuuang pangyayari sa insidente. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon.