July 23, 2026

Home BALITA National

Palasyo sa pag-atake ng CCG sa Ayungin Shoal: 'Hindi katanggap-tanggap!'

Palasyo sa pag-atake ng CCG sa Ayungin Shoal: 'Hindi katanggap-tanggap!'
Photo courtesy: RTVM/YT


Pinalagan ng Malacañang ang pag-atakeng ginawa ng Chinese Coast Guard (CCG) sa Ayungin Shoal noong Lunes, Hulyo 20, kung saan isang personnel ng Philippine Navy (PN) ang nasugatan.

Ayon sa Palasyo, hindi katanggap-tanggap ang nangyayari sa pagitan ng Pilipinas at China.

Sa ikinasang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Hulyo 21, idiniin din ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi ayon sa kagustuhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga nabanggit na insidente.

“Alam po natin kung ano na po ang naging statement ng secretary ng DND, si Secretary Gibo Teodoro; pati po ang pamunuan ng AFP; at ito po ay kanilang kinokondena. Sinabi po na hindi tayo pasisiil. Pati po ang DFA ay nagbigay na rin po ng pahayag,” saad ni Usec. Castro.

Aniya, “Hindi rin po ninanais ng Pangulo ang mga ganitong klaseng insidente—na siyang nagbibigay ng polisiya na dapat tayo ay tumugon sa mga ganitong klaseng mga insidente through a diplomatic manner.”

“So, hindi po talaga katanggap-tanggap itong nangyayari sa pagitan po ng bansa po natin at ng China,” dagdag pa niya.

Niresbakan din ng Palasyo ang naiibang naratibo ng China kung saan sinabi ng spokesperson ng Chinese embassy na ang mga Filipino personnel daw ang gumagawa ng “provocations” at pag-atake sa puwersa ng China.

“Sa atin po, kung ano lang po ang mandato ng ating mga opisyal, ng ating mga Filipino personnel, ‘yon naman po ay naaayon sa ating karapatan… at naaayon sa ating batas,” anang press officer.

Dagdag pa niya, “Kung ano po ang kanilang naratibo, ganiyan po ang maaari nilang sabihin—hindi po natin ito saklaw.”

“Pero ang pinaninindigan po natin [ay] kung ano ang karapatan natin, at kung ano ang dapat lamang gawin ng ating mga opisyal at mga Filipino personnel pagdating po diyan. So, sinusuportahan po natin ang mga ginagawa ng ating mga Filipino officials,” aniya pa.

Sinagot din ni Usec. Castro ang tanong hinggil sa pagkokonsidera ni PBBM na ibahin ang estratehiya nito sa pagharap sa mga isyu ng bansa kontra China—sa kadahilanang tila hindi nakikinig ang nasabing bansa sa posisyon ng Pilipinas.

“Sa panahon po ngayon ay kailangan pong aralin din ng Pangulo pero hindi po nadadaan sa dahas ang anumang pakikipaglaban sa karapatan,” aniya.

“Hindi pinag-uusapan dito ang laki ng iyong teritoryo, ang lakas ng iyong puwersa, kundi pakikipaglaban sa katotohanan at kung ano ang iyong karapatan,” pagtatapos ni Usec. Castro.

Sa kaugnay na ulat, kinondena rin ng Estados Unidos ang anila’y “dangerous” at “escalatory actions” na ginawa ng China.

“The United States condemns China’s dangerous and escalatory actions at Second Thomas Shoal on July 20 that injured a Philippine service member serving on the BRP Sierra Madre,” saad ni United States Ambassador to the Philippines H.E. Lee Lipton sa kaniyang pahayag nitong Martes, Hulyo 21.

MAKI-BALITA: US, kinondena ‘dangerous,’ ‘escalatory actions’ ng China sa Ayungin Shoal-Balita