Binalaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko laban sa kumakalat na text message at website scam na ginagamit ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) upang makapanloko.
Sa pahayag ng MMDA noong Lunes, Hulyo 20, binanggit ng MMDA na kadalasang binabanggit sa scam texts na malapit nang mag-expire umano ang traffic fine ng isang motorista.
Sasamantalahin ng scammer na magbanta na magkakaroon ng 25% late payment ang motorista kapag hindi agad nabayaran ang umano’y multa.
Kaya ipinaalala ng ahensya na “MMDA_NCAP” lamang ang lehitimong sender ng NCAP text notifications.
Anila pa, nananatiling “fixed” ang multa ng MMDA at walang ipinapataw na interes o late payment penalty.
Binanggit pa ng MMDA na ang real-time NCAP notification ng MMDA ay hindi kinabibilangan ng mga sumusunod:
- payment links
- reply-to-sender option
- SMS contact information
- pangalan ng registered vehicle owner
Ipinaalala rin ng MMDA sa publiko na mag-ingat sa mga pekeng website na nagpapanggap na officIAL NCAP website.
Upang malaman ng mga motorista kung may NCAP violation ang kanilang sasakyan, mangyari lamang bisitihan ang “May Huli Ka” website.
Bukod sa mga ito, ipinaalala rin ng MMDA sa publiko na iwasang pindutin ang anumang kahina-hinalang link o button at ugaliing i-verify ang pinagmulan ng impormasyon at gumamit lamang ng mga opisyal na plataporma ng MMDA.