‘Is human life just a business to you?’
Ito ang tanong ng isang ina mula sa Samar, Leyte, habang ipinagluluksa niya ang pagpanaw ng kaniyang 10 taong gulang na anak dahil sa umano’y palpak na healthcare system at lubak na kalsada sa kanilang probinsya.
Sa pinag-uusapang viral video ngayon ng ina, na kinilalang si Mariel Pedraza, inilahad niyang dinala nila ang batang si Dayne sa isang pampribadong ospital sa Catbalogan City bandang 7 ng umaga noong Hulyo 11 dahil sa lagnat, hirap sa paghinga, at kombulsyon.
Dito ay humingi ng pahintulot ang ospital na tubuhan si Dayne at dahil nakita ni Mariel na nahihirapang huminga ang anak, pumayag siya upang maisalba ang buhay nito.
“They asked me if I would give consent to intubate you kay nagkukuri kana pag breathe. Habang nag vivideocall, nakikita ko nagkukuri ka. So nasiring ako, sge basta masalba ka. The cost didn’t matter. I would have signed anything just to save your life, nak,” saad ni Mariel.
Nang tinubuhan na raw si Dayne, dito na nagsimula ang kalbaryo dahil bigla raw binigyan ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) at ayon sa ospital, tatawag na sila ng ambulansya dahil kailangan na raw ilipat ang anak sa Tacloban, kung saan may Intensive Care Unit (ICU).
Ang problema raw dito, walang drayber ang ambulansya at ang malala pa raw, hinihingian sila ng halagang ₱15,000.
“Gin tubuhan ka, pero didto na nagtikang an kalbaryo. Nagkalisang na hera, tigda ka gin CPR. Nasiring hera matawag hera ambulance—kay need ka na ikadto Tacloban. Need na ig ICU kay waray hera ICU dinhe Catbalogan, pero an problema an ambulance WARAY PA DAW DRIVER! And to make it worse, tag 15,000 pesos pa an ginaaro!” dismayadong saad ni Mariel.
Dagdag pa niya, “Your life was hanging by a thread, pero pera pa rin ang inuuna nila. Sabi ko mamaya na kami magbabayad mag gcash lang kami madala lang siya sa Tacloban.”
Dahil hindi na makapaghintay ng “On-Call Driver” ang pamilya, humingi na raw ng tulong ang ina sa kaniyang mga kapatid at pinapunta ang mga ito.
Sabi raw ng ospital, nagpapalit pa ng langis ang ambulansya at bandang 12 na ito ng tanghali makakarating.
Kaya tanong ng ina, bakit isa lang ang ambulansya ng ospital.
“Waray na kami makahulat han era On-Call Driver, Namiling kami intawon ha sawang naaro bulig gin sugo ko ak mga patod. Pero nasiring man ha City nga nagpapa change oil pa daw an ambulansya, alas dose pa pwedi. Kayano usa la ba iyo ambulance?? This was a life-or-death emergency pero sugad,” saad ni Mariel.
Humingi na rin daw sila ng tulong sa mga bumbero ngunit tinanggihan sila dahil hindi raw puwedeng umalis ng Catbalogan ang mga ito.
Nang tinanong naman daw nila sa Samar Provincial Hospital (SPH), wala rin daw silang drayber at ambulansya dahil kumakain pa raw ang mga ito ng tanghalian noong mga oras na iyon.
“Dumaop kami ha fire department, dre kuno pwedi gumawas catbalogan. Nagpakiana liwat kami ha Sph. Waray liwat hera driver/ambulance. Nag lulunch pa kuno. Hain man iba niyo na mga driver?? Bangin nag byahe liwat? Excuse la ba ini kay nadiri kamo magbyahe? Or ano ba ,” dagdag pa ni Mariel.
Matapos ang paghihintay, bandang 12 ng tanghali, ibinahagi ng ina na naisakay na si Dayne sa isang ambulansya, ngunit dahil daw sa mga malubak na daan sa Samar, natanggal ang tubo ng anak kaya kinailangang huminto sa Calbiga at Pinabacdao upang maghanap ng doktor.
Gayunman, wala raw silang nahanap na doktor na magtatali sa tubo ni Dayne, dahil Sabado.
“Gin dara ka byahe na, pero tungod SOBRA MAAYOS an kalsada han SAMAR.. lubakon duro! Na-dislodged an imo tubo. They had to stop over ha Calbiga namiling doctor, pero waray doctor para magpabulig pag taod im tubo. Nagstop liwat hera pinabacdao, pero waray ghp doctor! (Kay sabado kuno lol),” ani Mariel.
Ang pinakamasakit pa raw dito, masyadong maliit ang sukat ng tubo para sa 10 taong gulang na si Dayne.
“And the most agonizing part? An imo tubo gutiay duro para imo kadako. It wasn't even the right size for a 10-year-old boy! How can a hospital be so ill-equipped?!” panggagalaiti ni Mariel.
Pagdating sa Tacloban, naideklara nang “dead on arrival” si Dayne.
Bukod dito, wala rin daw binigay na diagnosis ang ospital sa Samar kaya ang inilagay na lamang daw sa medical history ni Dayne ay “Acute Respiratory Failure” kahit na wala raw ubo si Dayne at masakit lamang daw ang kaniyang lalamunan at may iniindang lagnat.
“Umabot ka Tacloban pero gin declared dead on arrival. Waray mag hatag hin diagnosis an Hospital dd samar, asya gin butang nala nera an imo history: Acute Respiratory Failure. Pero waray ka ubo, sore throat ngan fever la. ” malungkot na saad ni Mariel.
Dahil sa mga pangyayaring ito, binanggit ng ina na hindi lang sakit ang naging dulot ng pagkasawi ni Dayne kung hindi ang mismong healthcare system na dinaanan nila.
“What killed you wasn't just your illness, nak. Ang nakapatay ha imo kay it sistema!” madamdaming saad ni Mariel.
Saad din ng ina, nagbayad sila ng ₱15,000 para sa emergency, bukod pa rito ang ₱1,000 para sa gasolina at karagdagang ₱1,000 para sa drayber.
Aniya pa, wala umanong cardiac monitoring ang ambulansyang sinakyan nila ni Dayne.
“Nagbayad kami 15k ha emergency, nag aro pan gas 1k, nag aro pa 1k ha driver. Waray pagud cardiac monitoring an ambulance! Hain iyo Kaluoy?! Where is your conscience?! Is human life just a business to you?!” pagalit na paglalahad ni Mariel.
Sa pagtatapos ng pahayag, ibinahagi ng ina na hindi niya layong mawalan ng trabaho o masuspinde ang mga kawani at drayber ng ospital.
Bagkus, nais lang daw ng ina na magising ang publiko na ito ang realidad at wala raw silbi ang pagpapalit ng mga tao kung hindi babaguhin ang bulok na sistema kung paulit-ulit lang itong mangyayari.
“P.S. Hindi ko gustong may mawalan ng trabaho o masuspinde na mga hospital staff at mga driver. Ang gusto ko lang ay magising kayo sa realidad na ito talaga ang nangyayari sa atin. Dahil walang silbi kung papalitan niyo lang ang mga tao, pero hindi naman babaguhin ang bulok na sistema. Ganoon at ganoon pa rin ang mangyayari,” paglilinaw ni Mariel.
Sa kaugnay na ulat, naglabas ng pahayag ang SPH hinggil sa trahedyang pagpanaw ni Dayne.
Nilinaw din nila dito na dalawa ang kanilang operational na mga ambulansya, na nananatiling “available” kada shift para sa referral ng mga pasyente patungo sa “higher-level” na mga ospital.
Binanggit din nilang hindi sila naniningil ng bayad para sa hospital referrals na kanilang natatanggap.