Nananawagan ang Manila Police District (MPD) sa mga kaanak o kakilala ng senior citizen na nasawi matapos itong mabangga ng isang pampublikong jeep sa Pres. Quirino Ave., sa Pandacan, Maynila, noong Sabado, Hulyo 18.
Sa inilabas na abiso ng MPD nitong Lunes, Hulyo 20, bandang 10:00 ng umaga nang maganap ang insidente, kung saan, batay sa kuha ng CCTV, nabangga ng harapang bahagi ng PUV ang tumatawid na senior citizen sa sulok ng Plaza Dilao.
Saad pa ng MPD, ang huling suot ng biktima ay orange na damit na may disenyong floral, na may puti at dilaw na kulay, habang ang kaniyang pang-ibaba naman ay maong pants.
Ang senior citizen naman ay pinaniniwalaang nasa edad 65 hanggang 70 taong gulang, at may taas na halos 160 hanggang 165 centimeters (cm).
Abiso ng MPD para sa mga may impormasyon o hinala na ang nasawing biktima ay kanilang kaanak, maaari lamang na sila’y makipag-ugnayan sa mga awtoridad o direktang magtungo sa BVL Funeral Morgue sa Lot-1 BIk 32-E Corner Kapah/Sabalo Ph-Il F1, Dagat-Dagatan, Caloocan City, kung saan, pansamantalang nakalagak ang bangkay ng biktima.