Umakyat na sa mahigit 4,000 ang kaso ng mga Pilipinong nagpopositibo sa human immunodeficiency virus (HIV) sa unang tatlong buwan ng 2026, ayon sa tala ng Department of Health-Epidemiology Bureau (BOH-EB).
Ayon sa tala ng DOH-EB, pumalo na sa 4,633 ang kabuuang kaso ng mga nagka-HIV sa bansa.
Napag-alaman ding 95% o 4,381 mula sa kabuuang bilang ng mga nagpositibo ay pawang kalalakihan habang 5% o 252 naman ay mga babae.
Naitala naman sa mga edad 25-anyos hanggang 34 taong gulang ang may pinakamaraming tinamaan ng HIV na sumasaklaw sa 46%. Sinundan ito ng mga nasa edad 15 hanggang 24 anyos na may 31%, 35 hanggang 49 taong gulang na bumubuo sa 18% at mga edad 50-anyos pataas naman ang nasa 3%.
Ayon pa sa naturang datos, naitala sa National Capital Region (NCR) ang lugar na may pinakamaraming bagong HIV cases na umabot sa 989 o 21%. Sumunod dito ang CALABARZON na may 808 kaso, Central Luzon na may 551, Soccsksargen na may 277 at Davao Region na may 263 kaso.
Magmula nang naitala ang kauna-unahang kaso ng HIV sa Pilipinas noong 1984, ay umabot na sa kabuuang 168,079 ang mga nagpositibo sa naturang virus sa paglipas ng mga taon.
Pawang kalalakihan pa rin ang may pinakamaraming tinamaan ng HIV na may bilang na 158,670 o 94% habang 9,399 o 6% ang kababaihan.
Saad pa ng DOH, pabata nang pabata ang tinatamaan ng HIV kung saan mula sa 25-34 taong gulang noong 2006 ay dumami ang kaso mula sa mga edad 15-25-anyos hanggang 2025.
"Diagnose cases are getting younger as predominant age group shifter to 25-24 years old starting 206, and the proportion of cases among 15-24 age group has reached 30% as of 2025," anang datos.
Noong 2025, naitala ng Pilipinas ang pinakabatang nagpositibo sa HIV na pawang nasa edad pitong taong gulang mula South Cotabato at 12-anyos mula Cebu at Palawan.