Dead on arrival na nang naisugod sa ospital ang limang taong gulang na batang babae matapos siyang matuklaw ng isang cobra sa Bataraza, Palawan.
Ayon sa mga ulat, natutulog ang biktima katabi ang kaniyang ina noong nangyari ang insidente.
Batay sa salaysay ng mga awtoridad, nagising na lamang ang ina ng biktima dahil sa pag-iyak umano ng kaniyang anak. Sa pag-aakalang nakagat lamang ang biktima ng kung anong insekto, dinala raw ang bata sa isang manggagamot.
Subalit, makalipaslang ang ilang oras ay lumubha umano ang kalagayan ng bata, dahilan upang isugod na siya sa ospital.
Sa kabila nang pagdala sa bata sa ospital, idineklara na siyang dead on arrival ng doktor na tumanggap sa kanila.
Samantala, nadiskubre lamang na tuklaw ang ikinamatay ng bata matapos na makita ang cobra sa ilalim ng kanilang higaan.
Bunsod ng paghihinagpis ng mga kaanak ng biktima, hinuli at pinatay nila ang cobrang pinaniniwalaan nilang tumuklaw sa bata.
Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa nasabing lugar na panatilihing malinis ang kanilang mga bakuran at takpan ang mga siwang at butas na malapit sa kani-kanilang mga bahay.