Arestado sa ikinasang joint operation ng mga awtoridad noong Biyernes, Hulyo 17 sa Barangay Looc, Dumaguete City, Negros Oriental, ang isang 34-anyos na Chinese national na dating empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) noong Sabado, Hulyo 18, timbog si alyas “Xi” sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong robbery.
Isinagawa ang operasyon sa pagtutulungan ng Police Regional Office–Negros Island Region, National Capital Region Police Office (NCRPO), Police Regional Office 4A, at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Task Force.
Ayon sa ibinahaging pahayag ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., patunay raw ang pagkakahuli sa suspek sa kanilang adhikaing panagutin ang mga may sala sa batas—at matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad.
“The arrest of most wanted fugitives shows that no one is above the law, regardless of nationality. It reflects our determination to ensure that those facing criminal charges are brought before the courts,” saad ni Nartatez.
“Patuloy nating tutugisin ang mga wanted na indibidwal upang mapanagot sila sa kanilang mga ginawa at mapanatiling ligtas ang ating mga komunidad,” dagdag pa niya.
Matapos ang kaniyang aprehensyon, dinala ang suspek sa kustodiya ng Dumaguete City Police Station para sa wastong disposisyon.
Ayon pa sa PNP, nakatala bilang Rank No. 1 Most Wanted Person ng CALABARZON ang nasakoteng suspek.