July 18, 2026

Home BALITA Politics

Mayor Leni Robredo, binanatan paratang ng troll na linggo-linggo siyang nasa Maynila

Mayor Leni Robredo, binanatan paratang ng troll na linggo-linggo siyang nasa Maynila
Photo courtesy: Leni Gerona Robredo (FB)

Pinalagan ni Naga City Mayor Leni Robredo ang alegasyon ng isang troll sa social media na linggo-linggo umano siyang lumuluwas ng Maynila. 

Sa Facebook post ng alkalde nitong Sabado, Hulyo 18, malinaw niyang inilahad ang kaniyang mga puntong bumubuwag sa ngayo’y deleted post ng nasabing troll, na una raw na-post sa social media noong Miyerkules, Hulyo 15. 

Unang-una, binanggit ni Robredo na hindi siya linggo-linggo bumabiyahe sa Maynila dahil ang schedule daw niya isang beses kada buwan, kadalasan, tuwing Huwebes o Biyernes, upang makapaglaan ng oras sa dalaw niyang anak na naninirahan sa Maynila, kaya ang balik daw niya sa Naga ay Linggo naman. 

Saad pa niya, madali itong makumpirma dahil araw-araw siyang nag-popost sa social media ng mga ginagawa niya. 

“Hindi po ako pumupunta sa Manila linggo linggo. Ang schedule ko, once a month and usually, Thursday or Friday ako pumupunta para I can spend the Saturday with my daughters, two of whom are here in Manila. Balik na ako sa Naga ng Sunday. Easily verifiable ito dahil nagpopost ako araw araw ng mga ginagawa ko,” unang punto ni Robredo. 

Politics

'Ayaw n'ya!' Sen. Alan, isinisi kay PBBM naunsyaming ₱10K na ayuda

Pangalawang paliwanag ng alkalde, pumupunta rin daw siya sa Maynila isang beses kada buwan upang humingi ng tulong sa National Government Agencies at iba pang private partners, na aniya, ay nagbunga na dahil higit ₱1 bilyon na ang tulong na natanggap ng Naga bago pa man siya mag-isang taon sa opisina. 

Dahil dito, hindi na raw kinakailangan umutang ng lungsod upang makapagpatayo ng kanilang infrastructure projects. 

“Kaya ako pumupunta once a month para humingi ng tulong sa mga National Government Agencies and private partners. Nagbunga na ito. Mahigit P1Billion ang tulong na natanggap ng Naga bago pa man ako nag 1 year in office dahil sa pagtitiyaga natin. Hindi na natin kailangan umutang gaya ng dating ginagawa para lang makapagpatayo ng mga infra projects,” sumunod na paliwanag ni Robredo. 

Sumunod, nadagdagan lamang daw ang isang beses kada buwan niyang schedule dahil pinatatawag siya ng mga ahensya para sa iba pang follow-up meetings o mga mamamayang tubong Naga na ikakasal sa Maynila. 

“Nadadagdagan lang ang once a month na sked ko kung pinapatawag tayo ng mga agencies for follow up meetings or may taga Naga na ikakasal sa Manila,” saad ni Robredo. 

Aniya pa, lahat ng imbitasyong natatanggap niya sa labas ng Naga, ay tinatanggihan ng kaniyang opisina, maliban na lamang kung ito ay konektado sa isang kaganapan sa Naga City. 

Halimbawa rito ni Robredo ang natanggap niyang imbitasyon upang maging commencement speaker sa iba’t ibang paaralan, maliban na lamang sa kaniyang tinanggap na oportunidad sa Bicol University. 

“Lahat na invitations na natatanggap natin outside of Naga, nag reregrets tayo, except if connected sa Naga ang event. Hundreds ang witnesses nito. Sila yung mga nag iinvite na nag reregrets tayo. In fact, just this Graduation season, napakarami yung ni regrets natin na invitation to be Commencement Speaker dahil labas ng Naga. Only exception was Bicol University,” saad ni Robredo. 

Kahit din daw opisyal ang lakad, idiniin ng alkalde na hindi niya ito kailanman ibinilang sa gastos ng kanilang lokal na pamahalaan at aniya, madali itong makumpirma dahil inihahanda na nila ang request upang maipakita sa publiko ang travel expenses ng lahat ng kanilang opisyal. 

Partikular ding binanggit ni Robredo na kahit ang umano’y napakamahal niyang pamasahe sa Agusan, kung saan siya nagtungo para sa Palaro ay personal niya raw na gastos. 

“Kahit official ang lakad, NEVER akong nag charge ng travel expenses sa City Government. This is easily verifiable. In fact, we are preparing the report to respond to a request to post the travel expenses of all elected city officials. Kahit nga napakamahal ng pamasahe to Agusan when I went for the Palaro, personal expense yun,” saad ng alkalde. 

Sa pagbabiyahe, nilinaw ni Robredo na hindi siya gumagamit ng sasakyang pagmamay-ari ng pamahalaan at hindi niya raw kailanman ito ibinibilang sa gastusin ng Naga City. 

Partikular na binanggit ni Robredo na ang gamit niya ay ang sasakyan ng kaniyang anak na si Aika Robredo na una pa raw nabili noong 2012. 

“I don’t use a government-owned car and don’t charge my gasoline usage to the City. Ang gamit ko, Aika’s old Tucson which she bought in 2012 but is still in very good condition,” saad ni Robredo. 

Hinggil naman sa post ng troll noong Hulyo 15 na ngayo’y burado na, ibinahagi ni Robredo na noong araw ding iyon ay dapat lilipad siya sa Cebu para sa kanilang Mayors League Meeting, dahil pinakiusapan siya ni San Juan City Mayor Francis Zamora, bilang bagong Adviser para sa Intergovernmental Affairs.

Ngunit pumasok muna siya sa kanilang opisina sa Naga City mula 6:00 hanggang 9:00 ng umaga, ngunit nakansela ang flight kaya bumalik na lamang daw siya sa opisina matapos magtanghalian. 

Idinagdag niya na pa na nasa opisina rin siya ng buong araw ng Huwebes. 

“The troll apparently posted this last Wednesday. I was supposed to attend a Mayors League Meeting in Cebu. First time ko sana mag aattend kasi pinakiusapan ako ni Mayor Francis Zamora to be present when they appoint me as Adviser for Intergovernmental Affairs. That Wednesday, pumasok pa ako sa office from 6-9am. Umalis ako 9 to go to the airport but na cancel flight kaya bumalik ako sa office after lunch and nasa opisina ako whole day of Thursday,” paliwanag pa ni Robredo. 

“I took the bus to Manila Thursday evening para mag attend ng naka set na meetings with QC Government and COMELEC yesterday, Friday,” saad ni Robredo. 

Panghuli, muling idiniin ng alkalde na hindi niya sinisikreto ang pagluwas niya sa Maynila dahil palagi raw siyang gumagawa ng report dito. 

Sa mga araw na wala naman siya sa Naga City, nilinaw ni Robredo na itinatalaga niya si Naga City Vice Mayor Gabriel Hidalgo Bordado Jr. bilang acting mayor. 

“Hindi sinisikreto ang pagpunta ng Manila because I always make a report. And I designate Vice Mayor Gabby to be acting Mayor when I’m away,” panghuling paliwanag ni Robredo.