Pormal at opisyal nang ipinakilala ng GMA Network ang mga bagong coach na hahawak sa susunod na henerasyon ng mga batang mang-aawit sa pagbabalik ng “The Voice Kids”, at kabilang sa mga napili ang OPM hitmakers na sina Yeng Constantino, Gloc-9, at Julie Anne San Jose.
Agad namang umani ng positibong reaksiyon mula sa mga manonood ang pag-anunsiyo, lalo na dahil magkakaiba ang musical backgrounds ng tatlong coach na inaasahang magbibigay ng natatanging gabay sa mga kalahok ng singing competition.
Para kay Julie Anne, isa na sa mga pangunahing singer-performer ng Kapuso Network, isa itong panibagong milestone sa kaniyang karera matapos ang sunod-sunod na matagumpay na proyekto sa telebisyon at musika.
Samantala, itinuturing namang makasaysayan ang pag-upo ni Gloc-9 bilang coach dahil sa kaniyang malawak na impluwensiya sa industriya ng OPM, partikular sa larangan ng rap at songwriting. Kilala siya sa mga kantang may makabuluhang mensahe na tumatalakay sa iba't ibang isyung panlipunan.
Ngunit isa sa pinakamalaking pinag-uusapan sa social media ay si Yeng Constantino, na unang mapapanood sa Kapuso Network sa mahabang panahon.
Ito ang kauna-unahang programa ni Yeng sa GMA bilang isang freelance artist, matapos ang mahigit isang dekadang pagiging bahagi ng ABS-CBN.
Nakilala si Yeng matapos tanghaling grand winner ng talent search na “Pinoy Dream Academy” noong 2006. Mula roon ay sunod-sunod ang kaniyang naging hit songs at naging isa siya sa pinakamatagumpay na singer-songwriters ng kaniyang henerasyon.
Bukod sa kaniyang matagumpay na recording career, naging regular din siyang performer sa musical variety show ng ABS-CBN na “ASAP,” kung saan matagal siyang naging bahagi ng mga pangunahing musical productions ng programa.
Sa paglipas ng mga taon, nakapaglabas si Yeng ng maraming OPM hits tulad ng “Hawak Kamay,” “Ikaw,” “Chinito,” “Salamat,” "Cool Off, “Time In,” at iba pa, na naging bahagi ng soundtrack ng buhay ng maraming Pilipino.
Dahil dito, marami ang nasabik na makita ang singer-songwriter sa isang bagong entablado at bagong papel bilang mentor ng mga batang mang-aawit.
Excited na rin si Yeng sa panibagong yugto ng kaniyang career.
"Hello! I’m your new Coach for The Voice Kids Philippines ! So excited na kumpletuhin ang Team YengCredibles!" aniya sa kaniyang social media posts.
Ayon sa mga tagahanga, ang kombinasyon nina Yeng, Gloc-9, at Julie Anne ay nag-aalok ng kakaibang timpla ng karanasan, husay sa pag-awit, at kaalaman sa iba't ibang genre ng musika na makatutulong sa paghubog ng susunod na batch ng young artists.