Inulan ng mga negatibong komento ang ulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa pagbaba ng focus crimes sa ikalawang kwarter ng 2026 kasunod ng kanilang implementasyon ng “Safer Cities Initiatives.”
Batay sa tala ng Philippine National Police (PNP) noong Huwebes, Hulyo 16, mula 9,506 noong Enero 6 hanggang Abril 5, walong focus crimes ang bumaba sa 7,883 mula Abril 6 hanggang Hulyo 4.
Kabilang sa mga kasong ito ay carnapping, rape, physical injury, at theft.
Saad pa sa tala, mula rin Abril hanggang Hulyo 4, mas umigting pa ang police apprehensions, pang-aaresto, at mga babala, na sumasalamin sa mas mahigpit na implementasyon ng mga ordinansa at public safety regulations.
"Malinaw na malinaw po na may direktang kaugnayan ang pagtaas ng ating mga apprehensions at pagbaba ng krimen. Habang tumataas ang pagpapatupad ng batas at ordinansa, bumababa naman ang mga naitatalang krimen sa ating mga komunidad," ani PNP Public Information Office Chief PCol. Allen Rae Co.
Sa komento, mababasa ang samu’t saring reaksyon ang pahayag ng DILG batay sa nakalap na tala ng PNP, kung saan, karamihan dito ay hindi sumasang-ayon dito.
“multiverse ata to. anong pilipinas to?pilipinas - 8080 multiverse??”
“Syempre kwento nyu yan kaya bida kayo jan”
“May gana pang m[a]g-post ng ganito..”
“Joker na Pala DILG now noh?”
“Focus crimes drop? Anung focus crime yan? Tong its? Mahjong?”
“Sa sementeryo ata kayo nag survey”
“Control the narrative pa more”
“Expectation versus Reality.”
Sa kaugnay na ulat, ibinahagi pa ng DILG sa kanilang post na ang kanilang Safer Cities Initiative ay unang inimplementa noong Abril 2026 upang mas mapalawig ang mas ligtas, malinis, at maayos na mga komunidad sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng batas, disiplina sa publiko, at iba pang interbensyon ng local government units (LGUs).