Sinipa sa pwesto noong Miyerkules, Hulyo 15, ang isang Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) Officer matapos itong mapaulat na nanuntok ng isang drayber ng kolorum na van.
Sa pahayag ng Department of Transportation (DOTr) nitong Biyernes, Hulyo 17, ibinahagi na batay sa inisyal na ulat ng SAICT, ang nasabing opisyal ay nagsasagawa ng anti-colorum operation kasama ang kaniyang team sa Calaca, Batangas, kung saan, pinahinto nila ang van na may 15 pasaherong sakay.
Ngunit sa halip na huminto, nakipaghabulan ang van at ilang beses nasagi ang sasakyan ng SAICT bago ito tuluyang nahuli sa San Nicolas.
Mapapanood din na sa mga kumalat na kuha ng pangyayari sa social media, sinuntok ng SAICT officer ang drayber ng van matapos itong mahuli.
Sa kasalukuyan, pina-impound na sa Land Transportation (LTO) ang nahuling van at nakapagsampa na rin ng mga karampatang kaso laban sa drayber nito.