Patay ang isang 68-anyos na lalaki matapos umanong atakihin ng isang lalaki na matagal na niyang sinisingil sa utang sa bayan ng Laoac, Pangasinan.
Naganap ang insidente noong gabi ng Hulyo 13 sa Barangay Cabilaoan, kung saan natagpuan ang biktima na nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo na kalauna'y naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, pinaghihinalaang ginamitan ng kawayan ang biktima sa pananakit. Lumalabas din sa imbestigasyon na matagal nang may alitan ang dalawa na may kaugnayan sa usapin ng pera at hindi nabayarang pagkakautang.
Ayon sa mga awtoridad, ilang beses nang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang biktima at ang suspek bago naganap ang krimen, dahilan upang tutukan ng mga imbestigador ang posibilidad na matagal nang hidwaan ang ugat ng insidente.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek matapos nitong aminin ang pananakit sa biktima.
Sinabi umano nito na nauwi sa marahas na komprontasyon ang kanilang pagtatalo dahil sa madalas na paniningil ng biktima sa kaniyang utang.
Samantala, naghahanda na ang pamilya ng nasawi para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspek upang makamit umano ang hustisya para sa kanilang kaanak.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabuo ang lahat ng pangyayari na humantong sa insidente.