Kinumpirma ng National Meat Inspection Service (NMIS) sa pamamagitan ng isinagawang laboratory examination na naglalaman ng DNA ng aso ang isang pagkain na binili mula sa isang restaurant sa La Trinidad, Benguet.
Ayon sa mga resulta ng pagsusuri, positibong lumabas ang sample sa presensya ng dog DNA, na nagbunsod sa pagsasampa ng panibagong mga reklamong kriminal laban sa may-ari ng establisyemento.
Sinabi ni animal welfare advocate lawyer Amadeo Degay na ito na ang ikalawang kumpirmadong insidente na may kaugnayan sa pagkain na umano'y inihain ng isang restuarant na may kaparehong pangalan sa La Trinidad.
"The second one involves another restaurant with the same name. Nakapag-order ang ilang government employees ng two servings ng suspected dog meat. And the meat was sent by NMIS Baguio City to their laboratory and the result is again positive," ani Degay sa media.
Dahil sa resulta ng laboratory test, apat na panibagong reklamong kriminal ang isinampa laban sa may-ari ng nasabing kainan. Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang inilalabas na pahayag ang panig ng may-ari kaugnay ng usapin.
Ipinaliwanag din ni Degay na bagama't may ilang pagbubukod sa ilalim ng Animal Welfare Act na nagpapahintulot sa pagpatay ng aso para sa ilang ritwal dahil sa kultura, hindi umano sapat na dahilan ang kultura upang gawing katanggap-tanggap ang pagkatay ng aso para lamang gawing negosyo at pagkain.
"There are instances when a cultural ritual required the killing of dogs. That is an exemption under the Animal Welfare Act, but to say that it is our culture to butcher dogs para lang kainin 'yung meat, that is disputable," dagdag niya.
Samantala, isang 44-anyos na lalaki ang inaresto ng mga awtoridad sa hiwalay na operasyon sa Barangay Kias, Baguio City noong Hulyo 12 matapos umano itong mahuling kinakatay ang tatlong aso.
Ayon sa pulisya, rumesponde ang mga tauhan ng Baguio City Police Station 4 bandang 1:00 ng hapon matapos makatanggap ng ulat kaugnay ng insidente.
Nahaharap ngayon ang suspek sa tatlong magkakahiwalay na kaso dahil sa paglabag sa Republic Act No. 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998.