Nagpasalamat ang social media personality na si Yiv Cortez ng "Team Payaman" sa aktres na si Angel Locsin matapos niyang bumoses sa social media at sitahin si Sen. Robin Padilla, kung saan kinuwestiyon ng tinaguriang "real-life Darna" ang ilang paninindigan at naging posisyon ng mambabatas sa iba’t ibang kontrobersyal na usaping pampolitika.
Matatandaang biglang "nagising" sa kaniyang social media hiatus si Angel, madaling-araw ng Martes, Hulyo 16, at nag-react sa ulat ng Manila Bulletin patungkol sa sinabi ng senador na isa siyang "komunista," nang uriratin niya si Atty. Jeremy Lotoc sa pagsalang nito bilang testigo sa impeachment trial noong Martes, Hulyo 14.
Dito, inusisa ni Padilla si Lotoc kung may "basic knowledge" ba siya patungkol sa relihiyong Islam, matapos mapag-usapan sa paglilitis ang patungkol sa "Operation Romonov."
Ang Operation Romonov ay sinasabing pagtatangka o threat daw sa buhay laban sa pamilya ni Vice President Sara Duterte mula sa administrasyon, na pinag-ugatan daw kung bakit may "grave threat" si VP Sara sa buhay nina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Mabalik sa post ni Angel, binalikan niya ang mga kuwento umano ni Sen. Robin tungkol sa kaniyang nakaraan, kabilang ang panahong sumama siya sa armadong pakikibaka sa kabundukan bilang bahagi ng kaniyang ipinaglalaban noon para sa bayan.
Ayon kay Angel, natuwa siyang makita ang tila pagiging tapat ng senador sa mga kamakailang pahayag nito dahil naalala niya ang “dating Robin Padilla” na kaniyang nakilala.
"Nung mga panahong magkasama tayo, madalas mong ikwento yung panahon na namundok ka at nag-armas para ipaglaban ang bayan. Sabi mo pa nga, dinadalaw ka ng ex mo sa bundok," anang Angel.
"Sa statement mo na to, kahit papaano, natuwa akong makita ulit yung dating Robin Padilla na nakilala ko. At least, honest ka ngayon, Kuya."
Gayunman, direkta niyang tinanong ang senador kung nasaan ito noong mga panahong siya umano ay nakararanas ng red-tagging kahit batid umano ni Padilla na hindi totoo ang mga paratang laban sa kaniya.
“Ang tanong ko lang, nasaan ka nung panahong nirered-tag ako kahit alam mong hindi totoo? Actually, kasama mo pa nga at kachikahan yung mga nangre-red-tag,” saad ng aktres.
Maki-Balita: Angel sa pagiging 'komunista' ni Robin: 'Nasaan ka nung panahong nirered-tag ako?'
Binanggit din sa post ang suporta na natanggap noon ni Padilla mula sa maraming Pilipino, partikular mula sa sektor ng mga Muslim, dahil sa inaasahang matatag niyang pagtatanggol sa kanilang mga interes at karapatan.
Subalit ikinadismaya umano ni Angel na tila mas nakikita niyang ipinagtatanggol ng senador si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy, na nahaharap sa iba’t ibang kaso.
"Isa sa mga pinakamalaking dahilan kung bakit ka binoto ng maraming Pilipino ay dahil inasahan nilang magiging matapang kang boses para sa mga kapatid nating Muslim. Pero bakit parang mas ipinaglalaban mo pa si Quiboloy? Naniniwala ka ba talaga na siya ang 'appointed son of God'?" aniya.
Tinalakay rin sa post ang usapin ng West Philippine Sea at relasyon ng Pilipinas sa China, kung saan sinabi ni Angel na nalulungkot siya sa ilang posisyon ni Padilla hinggil sa naturang isyu.
Ayon sa kaniya, hindi umano ito ang Robin Padilla na kaniyang nakilala at hinangaan noon bilang isang makabayan at matapang na personalidad. Ipinagdiinan din ni Angel na ang utang na loob ay dapat nakatanaw lamang sa Diyos at sa mga Pilipino, at hindi sa iisang tao lang.
"Isa ka sa pinaka-makabayang taong nakilala. Ikaw si Andres Bonifacio. Kaya nakakalungkot pag nakakabasa ako ng stand mo pagdating sa China. Hindi ito ang Robin Padilla na nakilala at hinangaan ko."
"Kahit paano, alam kong halos pareho tayong landas na dinaanan. Galing sa hirap, nagtrababo ng maaga, tinangkilik at nakapagpasaya ng mga tao. Ang utang na loob natin ay sa ating diyos at sa lahat ng Pilipino —hindi lamang sa isang tao," aniya.
Sa huling bahagi ng kaniyang mensahe, nagpaabot siya ng panawagan sa senador na muling pag-isipan ang kanyang mga paninindigan.
"Tama na, Kuya. Gising na. Hindi pa huli ang lahat," ani Angel.
Maki-Balita: Angel, 'ginising' si Sen. Robin: 'Tama na, Kuya. Gising na. Hindi pa huli ang lahat!'
Nagkasama na sina Angel at Robin sa ilang mga proyekto gaya ng "Asian Treasures" sa GMA Network at naging hurado na rin sa "Pilipinas Got Talent" kasama sina Freddie M. Garcia (FMG) at Vice Ganda.
Samantala, nagpasalamat naman ang kapatid ni Viy Cortez kay Angel at sinabi niyang sana raw, "magising" na rin ang lahat.
"Salamat Ms Angel Locsin. Magising na sana ang lahat," aniya.
Photo courtesy: Screenshot from Yiv Cortez (FB)
Pumalag din si Yiv sa mga netizen na nagsabing tahimik si Angel sa isyu naman ng maanomalyang flood control scandal.
"Hahahah how about flood control issue? Wala siyang masabi? Iba talaga pag may pinapanigan kahit mali," saad ng isang basher.
Banat naman ng isa, "Pero narinig mo ba bumoboses yang si Angel Locsin about sa Flood Control Scandal?"
Pero buwelta naman ni Yiv, "Anong tahimik sa flood control? Sino bang mga senador ang di pumirma sa partial flood control report para sana matuloy na?"
Samantala, as of this writing, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Padilla hinggil sa pag-call out sa kaniya ni Locsin.