July 23, 2026

Home BALITA National

Mga nagpapakasal, mas kakaunti na; ‘live-in’ set-up, mas pabor sa mga Pinoy!

Mga nagpapakasal, mas kakaunti na; ‘live-in’ set-up, mas pabor sa mga Pinoy!
Photo courtesy: Unsplash

Malaking pagbaba sa bilang ng mga nagpapakasal sa bansa ang naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) mula 2014 hanggang 2024.

Sa nasabing bilang, 13.5% ang naitalang bilang ng mga magkasintahang nagpaparehistro ng kanilang kasal, kung saan mula sa 429,723 noong 2014, bumagsak ang bilang sa 371,825 pagdating ng 2024. 

Ayon sa naging panayam ni PSA Assistant National Statistician Engr. Marizza Grande noong nakaraang Martes, Hulyo 7, binanggit na isa sa key factors na naging dulot ng pagbagsak na ito ay ang mga restriksyon noong Covid-19 pandemic. 

“Sa pandemic bigla ring bumagsak [ang bilang ng mga nagpapakasal] kasi mayroon tayong lockdowns [at] restrictions,” ani Grande. 

Saad pa niya, ilan pa sa mga nakikitang aspeto ng ahensya ay ang economic conditions ng maraming Pinoy, pagbabago ng kanilang pamumuhay o lifestyle, at personal preferences, partikular sa mga mas nakababatang henerasyon, na kinakikitaan din ng bilang ng pagpapaliban ng kanilang pagpapakasal. 

National

Atty. Taran ng KWF, panatag sa epekto ng AI data centers sa mga katutubong wika

Ibinahagi rin ni Grande na sa kabila ng pagbaba, naitalang kadalasang nasa edad 28 ang kababaihang nagpapakasal habang 30 naman sa kalalakihan. 

Pebrero naman ang naitalang buwan na mayroong pinakamaraming nagpapakasal sa bilang na 46,130 seremonya taon-taon, habang Nobyembre naman ang may pinakamababang tala ng mga nagpapakasal sa bilang na 20,368. 

Pagdating naman sa personal preferences o iba’t ibang family arrangements, mas lumobo ang mga magkasintahang nagsasama sa pamamagitan ng common-law relationships o live-in arrangement. 

Sa kaugnay na ulat, batay sa 2020 Census ng Population and Housing, binanggit ng Commission on Population and Development (CPD) na 12.66 milyong Pinoy ang naitalang Pinoy na nasa common-law relationships, kung saan, 6.36 milyon dito ay lalaki at 6.30 naman ay babae. 

Dahil dito, nabanggit din sa iba pang ulat na batay sa  datos ng Civil Registration and Vital Statistics noong 2023, nagkaroon ng pagtaas sa bilang ng mga batang ipinanganak sa mga magulang na hindi kasal, kung saan, binubuo ito ng 842,000 kumpara sa mga batang ipinanganak mula sa mga ikinasal na magulang, sa talang 605,000.