Inaresto ng mga awtoridad ang isang 44-anyos na magsasaka matapos umano nitong bentahan ng hinihinalang shabu ang isang sundalo sa loob ng isang panciteria sa Junction, Pinukpuk, Kalinga.
Batay sa ulat ng Pinukpuk Municipal Police Station, naganap ang insidente nang lapitan umano ng suspek ang isang miyembro ng 103rd Infantry Battalion habang nasa loob ng establisyemento at alukin ito ng isang sachet ng hinihinalang ilegal na droga kapalit ng ₱1,000.
Ayon kay Police Captain Tyrone John Balanay, officer-in-charge ng himpilan ng pulisya sa Pinukpuk, pinaniniwalaang nasa impluwensiya ng alak ang suspek nang isagawa nito ang umano'y bentahan ng droga.
Matapos ang transaksyon, ipinakilala ng sundalo ang kaniyang sarili bilang isang intelligence operative at agad na inaresto ang suspek bago ito isinuko sa mga rumespondeng pulis.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kasalukuyan na rin itong nasa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) habang hinihintay ang susunod na proseso ng kaso.
Samantala, isa pang hinihinalang personalidad na sangkot sa ilegal na droga ang naaresto sa parehong bayan matapos umanong makumpiska ng mga pulis ang walong sachet ng hinihinalang shabu sa isinagawang inspeksiyon kasunod ng isang paglabag sa batas-trapiko sa Junction Fixed Police Visibility Point.
Iniulat na naipasa na sa Office of the Provincial Prosecutor ang kaso para sa pagsasampa ng kaukulang mga reklamo laban sa nasabing indibidwal.