Arestado ang isang lalaking magtatangka sanang magnakaw sa loob ng isang bahay sa Tarlac matapos siyang maispatang naliligo bago umano isakatuparan ang maitim niyang balak.
Ayon sa mga ulat, mahimbing na natutulog ang may-ari n bahay na pinasok ng suspek, nang bigla umano siyang nakarinig ng mga patak ng tubig mula sa kanilang banyo. Bunsod nito, nagdesisyon siyang silipin ang ingay dahil oras na raw iyon ng kanilang pagtulog.
Paglabas ng may-ari ng bahay, nagulat umano siya na isang hindi nila kilalang lalaki ang nakita niyang naliligo sa kanilang banyo.
Sa kaniyang takot, dahan-dahan umano siyang bumalik sa kwarto at isinara ang pinto kung saan mabilis din siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Agad na naaresto ng mga awtoridad ang lalaki paglabas niya ng banyo at kasalukuyan na siyang nasa kustodiya ng pulisya.
Hinala ng pulisya, magnanakaw pa lang sana ang suspek pagkatapos niyang maligo.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang pahayag ang mga awtoridad hinggil sa tunay na motibo ng paliligo ng suspek at pagpasok niya sa naturang bahay.