Nakahanda ang Simbahang Katolika na magsilbing kanlungan ng mga indibidwal na nakararanas ng problema sa mental health ayon sa Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP).
Sa inilabas na pastoral message ng CBCP tungkol sa mental health, compassion, at hope, nitong Lunes, Hulyo 13, nakasaad na bukas umano ang pinto ng parokya, Basic Ecclesial Community (BEC), paaralan, at iba pang Katolikong institusyon para sa mga nangangailangan ng tulong.
Bukod dito, sinabi rin ng CPCP na hindi umano kawalan ng pananampalataya ang pagdulog ng tulong medikal at sikolohikal.
"We encourage those experiencing mental health challenges to seek appropriate professional care whenever needed. Seeking medical or psychological help is not a lack of faith,” saad ng CBCP.
Dagdag pa niya, “God's healing often comes through the dedicated service of doctors, psychologists, counselors, and other caregivers, whose work we gratefully acknowledge.“
Sa huli, hinimok ng CBCP na isama at alalahanin sa mga panalangin ang mga taong may mental illness.
"May Mary, Health of the Sick and Comforter of the Afflicted, accompany all who suffer in mind, body, or spirit. May she obtain for us the grace to become a Church that listens, heals, and walks together in hope," pahabol pa ng CBCP.
Matatandaang ayon sa World Bank (WB), nakapagtala ang Pilipinas ng suicide mortality rate na 3.49 kada 100,000 populasyon noong 2021.
Iniulat pa ng World Health Organization (WHO) noong 2023 na humigit-kumulang 12 milyong Pilipino ang dumaranas ng mental health conditions, na ang depresyon at anxiety ang pinakamalaganap.