July 23, 2026

Home BALITA Metro

QC LGU, nakisimpatya sa 3 magkakapatid na pumanaw matapos makuryente

QC LGU, nakisimpatya sa 3 magkakapatid na pumanaw matapos makuryente
Photo courtesy: Quezon City Government/FB, QCPD Kamuning Police Station via MB


Nagpaabot ng simpatya ang Quezon City local government unit (LGU) sa napaulat na pagkamatay ng tatlong magkakapatid sa tinutuluyan nilang apartment unit sa Barangay Pinyahan noong Biyernes, Hulyo 10.

Batay sa mga ulat, naunang makuryente ang isang 15-anyos na dalagita habang ito ay nagsasampay umano ng nilabhang damit.

Nang sumigaw ito at nagpasaklolo, agad siyang tinulungan ng dalawang kapatid—na may edad 19 at 12—na nadamay din sa pagkakakuryente.

Bunsod nito, tatlo silang napuruhan at nasawi matapos ang insidente.

MAKI-BALITA: Dalagita, nakuryente habang nagsasampay; 2 kapatid na sumaklolo, patay rin!-Balita

Base sa pahayag na inilabas ng QC LGU noong Linggo, Hulyo 12, idiniin nilang sila ay magpapaabot ng tulong sa mga nasawing magkakapatid—gayundin sa pamilyang naulila nila.

“Nakikiramay ang lokal na pamahalaan sa pamilya nina Axel, Yohan Audrey, at Andrey na pumanaw matapos makuryente sa kanilang apartment sa Bgy. Pinyahan noong Biyernes,” panimula ng QC LGU.

Anila, “Bilang paunang tulon, sasagutin ng lokal na pamahalaan ang funeral expenses ng mga biktima, anuman ang maging desisyon ng pamilya hinggil sa burol o cremation ng mga labi.”

“Magbibigay din ng educational assistance, sa tulong ng Social Services Development Department (SSDD), para sa nakababatang kapatid ng mga biktima,” dagdag pa nila.

Giit pa ng lokal na pamahalaan, patuloy na ikinakasa ang pagsisiyasat hinggil sa naganap na insidente; at pananagutin kung sinuman ang responsable sa pagkasawi ng tatlong magkakapatid.

“Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ang QC Department of Building Official (DBO) at Quezon City Police District (QCPD) para alamin kung may naging pagkukulang sa nangyari. Tinitiyak ng lokal na pamahalaan na kakasuhan at pananagutin ang sinumang  mapapatunayan na responsable sa trahedya,” anang lokal na pamahalaan.

Giit pa nila, “Base sa Local Building Code of Quezon City (City Ordinance SP-2518, S-2016), responsibilidad ng mga building owner na tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-ookupa sa apartment kaya't kailangang mayroon itong mga karampatang permit, tulad ng Locational Clearance, Fire Safety Inspection Certificate, at Electrical Permit.”

Panawagan naman ng QC LGU sa mga nagpaparenta ng apartment unit o kuwarto, siguraduhing may hawak silang permit—na siyang sumusunod sa mga patakarang ibinababa ng pamahalaan.

“Nananawagan ang lokal na pamahalaan sa mga nagpaparenta ng mga apartment o kwarto sa buong lungsod na maging responsable at tiyaking naaayon ang kanilang permit sa lahat ng panuntunan ng pamahalaan para maiwasan ang mga ganitong klaseng insidente,” pagtatapos ng QC LGU.

Photo courtesy: Quezon City Government/FB