Umalingawngaw ang pinakamalalaking pangalan sa Original Pilipino Music (OPM) sa loob ng Smart Araneta Coliseum matapos magtanghal ang ilan sa mga papausbong at pinakasikat na artists sa bansa sa ginanap na Puregold OPM Con Generations 2026 nitong Sabado, Hulyo 11.
Mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-11:00 ng gabi, halos walang tigil ang sigawan, tilian, kantahan, at palakpakan ng libo-libong concertgoers na dumalo sa sold-out musical event na nagsama-sama ng iba't ibang henerasyon at genre ng musikang Pilipino.
Ipinakita ng bawat artist ang kani-kanilang natatanging estilo, na sumasalamin sa lawak at kasiglahan ng kasalukuyang OPM scene.
Nakiisa sa engrandeng konsyerto ang Pinoy-pop groups na Alamat, Xonara, Kaia, G22, gayundin ang rap artists na sina Flow G at Skusta Clee, at pop-rock band na SunKissed Lola.
Hindi rin nagpahuli ang folk-pop sensation na Ben&Ben, na muling pinakanta ang buong venue sa kanilang hit songs.
Siyempre pa, hindi natapos ang gabi ng walang nagliliyab na performances mula sa P-pop supergroup na "SB19" na talaga namang inabangan ng lahat.
Inawit ng grupo ang ilan sa kanilang mga pinakasikat na kanta na lalo pang nagpayanig sa Araneta at nagpasaya sa kanilang fandom na A'TIN.
Bukod sa pangunahing performers, mas lalo pang naging espesyal ang gabi sa pagdalo ng special guests artists na sina Jett Pangan, Sam Concepcion, Bataan Choral Artists, Kiyo, Chito Miranda,Yuridope, Jay Durias, Armi Millare, at Bamboo, na nagbigay rin ng mga kahanga-hangang pagtatanghal para sa mga manonood.
Nagpasalamat naman ang lahat ng artists na nagtanghal sa nabanggit na historic event sa pagbibigay ng pagkakataong maipakita ang kanilang talento sa isang malaking entablado.
Nagpaabot din sila ng pasasalamat sa kanilang mga tagahanga, supporters, at sa lahat ng patuloy na sumusuporta at tumatangkilik sa OPM.
Naispatan din sa event si Vincent Co, presidente ng nabanggit na kompanya.
Sa pagtatapos ng limang oras na konsiyerto, muling pinatunayan ng OPM Con Generations 2026 na nananatiling makapangyarihang puwersa ang musikang Pilipino sa pag-uugnay ng iba't ibang henerasyon, kultura, at komunidad ng mga tagapakinig.
Para sa maraming dumalo, hindi lamang ito isang concert—isa itong pagdiriwang ng husay, talento, at pagkakakilanlang Pilipino sa pamamagitan ng musika.