Naglatag ng suhestiyon si Sen. Panfilo “Ping” Lacson para mapabilis umano ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng DZBB Super Radyo nitong Linggo, Hulyo 12, kabilang sa binanggit na hakbang ni Lacson ay ang pagiging handa at nasa Senado ang mga tatayong testigo sa loob ng isang linggo.
“Isa nga sa sinuggest ko, i-line up ng defense o prosecution para sa isang linggo [na witnesses], dapat nandiyan sa holding room para kung matapos kami ng maaga sa isang testigo, hindi masayang ang araw,” saad ni Lacson.
Ngunit nilinaw ng senador na ang layon ng hakbang na ito ay hindi upang ikompromiso ang mga ilalatag na ebidensya laban sa Bise Presidente.
Ayon sa kaniya, “Hindi pamadaliin para ma-compromise ang pag-present ng ebidensya, pero madaliin natin in such a way na huwag tayong magsayang ng araw.”
Maaari daw kasing umabot hanggang Pasko o higit pa ang paglilitis kung halos isang testigo lang ang haharap sa Senado kada linggo.
Matatandang sa unang linggo ng impeachment trial na nagsimula noong Hulyo 6, humarap sa Senado bilang testigo si National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Investigation Unit Senior Agent John Mark Calilung.
Ngunit maagang natapos ang pagdinig noong Hulyo 8 dahil wala pa ang kasunod na testigo na si NBI Regional Director Jeremy Lotoc.