July 12, 2026

Home BALITA

Kawalan ng malasakit, ugat ng problema sa DPWH—Dizon

Kawalan ng malasakit, ugat ng problema sa DPWH—Dizon
Photo Courtesy: Screenshot from ABS-CBN Entertainment (YT), DPWH (FB)

Tinunton ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ang sa palagay niya ay ilang problema sa ahensyang pinamumunuan niya sa nakalipas na dekada.

Sumalang si Dizon bilang guest sa latest episode ng “YSpeak 2.0” ng Kapamilya Network noong Sabado, Hulyo 12. 

Kabilang sa mga napag-usapan ay kung paano maisasagawa ang mabuting pamamahala sa mga komunidad. 

“Para sa akin,” sabi ni Dizon, “simple lang. ‘Pag nasa gobyerno ang isang Pilipino, unang-una, huwag kang magnanakaw. Pangalawa, gawin mo nang tama ang trabaho mo. And ikatlo, ito ‘yong pinakaimportante: magmalasakit ka sa pinagsisilbihan mo.”

“Kasi ‘pag ikaw may malasakit ka, mahihiya kang magnakaw. You know what you do has an impact on people's lives,” dugtong pa niya.

Metro

Pansamantalang pagbabago sa traffic sa NAIA 3, epektibo simula Hulyo 15

Ayon kay Dizon, nagdiwang kamakailan ang DPWH ng ika-128 anibersaryo ng pagkakatatag nito.

“Gano’n na katanda ‘yong DPWH. And when I talk to people in DPWH…ang problema kasi sa DPWH in the past decades is nawala ‘yong malasakit, e,” saad ng kalihim.

“Kasi ‘pag nawala ‘yong malasakit sa tao at ‘yong ginagawa mong trabaho sa gobyerno,” pagpapatuloy niya, “may epekto sa buhay ng tao. Ang dali mo nang magnakaw. Ang dali mo nang mag-shortcut sa project. Ang dali mo nang dayain ‘yong kapal ng semento, n’ong kalye. Ang dali mo nang dayain ‘yong bakal na nilalagay mo do’n sa kalye o do’n sa tulay.”

Kaya aniya, dapat umanong maibalik ang pagmamalasakit sa kapuwa bilang lingkod-bayan.

Matatandaang naging sentro ng kontrobersiya ang DPWH nang pumutok ang isyu ng maanomalyang flood control projects noong 2025.

Sa gitna ng alegasyon ng korupsiyon na kinakaharap ng ahensya, nagbitiw si Manuel Bonoan noong Agosto 2025 bilang kalihim ng DPWH, dahilan para palitan siya ni Dizon na noo’y tumatayo bilang kalihim ng Department of Transportation (DOTr).

Maki-Balita: PBBM, tinanggap resignation ni DPWH Sec. Bonoan