July 23, 2026

Home BALITA

Kahit naging super typhoon: Bagyong Inday, 'di napataas water level ng Angat at Magat Dam!

Kahit naging super typhoon: Bagyong Inday, 'di napataas water level ng Angat at Magat Dam!
Photo courtesy: via ABS-CBN NEWS

Patuloy na bumababa ang antas ng tubig sa Angat Dam sa kabila ng malalakas na pag-ulan na dulot ng bagyong Inday at habagat nitong nakalipas na mga araw.

Batay sa tala ng Bulacan Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa 156.07 metro ang water level ng Angat Dam bandang 11:00 ng umaga nitong Linggo—mas mababa ng 29 sentimetro kumpara sa naitalang 156.36 metro noong nakaraang araw.

Ang Angat Dam ang pangunahing pinagkukunan ng inuming tubig ng Metro Manila at nagsus-supply rin ng patubig sa humigit-kumulang 25,000 ektarya ng mga palayan sa Bulacan at Pampanga.

Noong Hulyo 7 ay bumaba na sa ilalim ng kritikal na antas na 160 metro ang antas ng dam at nananatili itong mas mababa pa sa dating pinakamababang naitalang 157.56 metro noong Hulyo 18, 2010.

Dahil dito, binawasan ng National Water Resources Board ang alokasyon ng tubig para sa Metro Manila habang pansamantalang itinigil ng mga operator ng dam ang suplay ng patubig para sa mga sakahan sa Gitnang Luzon upang mapigilan ang patuloy na pagbaba ng tubig sa reservoir.

2 PH Navy na pinukpok sa ulo ng CCG, makatatanggap ng tig-₱100k!

Samantala, umabot naman sa minimum operating level na 160 metro ang water level ng Magat Dam sa Ramon, Isabela, ayon sa National Irrigation Administration (NIA).

Nagbabala ang mga namamahala sa dam na maaaring maapektuhan hindi lamang ang mga mangingisda kundi maging ang mga magsasaka at operasyon ng mga hydropower plant na umaasa sa tubig mula sa Magat Dam.

Ayon sa NIA-Magat River Integrated Irrigation System, nagkaroon na rin ng mga insidente ng fish kill sa ilang lugar sa Aguinaldo, Ifugao; Diadi, Nueva Vizcaya; at sa mga bayan ng Ramon at Cordon sa Isabela dahil sa patuloy na pag-atras ng tubig sa dam.

Ang Magat Dam ay nagbibigay ng humigit-kumulang 350 megawatts ng kuryente para sa Luzon Grid at nagsisilbi ring pangunahing pinagkukunan ng patubig para sa mahigit 96,000 ektarya ng mga palayan sa Isabela, Cagayan, at Quirino.

Bilang tugon sa sitwasyon, inihayag ng mga opisyal ng agrikultura sa Cagayan Valley na magsasagawa ng cloud seeding operations sa watershed ng Magat Dam mula ngayong buwan hanggang Setyembre, depende sa pagkakaroon ng mga ulap na maaaring gamitan ng naturang pamamaraan upang makahikayat ng pag-ulan.