Aabot sa ₱62.2 milyong halaga ng ilegal na produktong petrolyo ang narekober mula sa pitong suspek, sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa lalawigan ng Batangas kamakailan.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo, Hulyo 12, isinagawa ang operasyon sa tulong ng mga personnel ng Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 4A (CIDG RFU4A), Batangas Provincial Field Unit of CIDG, at Batangas Maritime Police Station.
Anang ahensya, tinatayang aabot sa 31,199 litro ng petrolyo ang nasabat sa operasyon—na umano’y ibinebenta nang walang awtorisasyon.
Narekober din ang isang tugboat at marked money sa nasabing operasyon.
"Malaki man o maliit ang operasyon, pareho ang mensahe natin—walang puwang ang mga iligal na gawain na nakaaapekto sa kabuhayan ng ating mga mamamayan at sa ekonomiya ng bansa. Patuloy tayong kikilos nang patas, ayon sa batas, at may paggalang sa karapatan ng bawat isa," saad ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. sa kaniyang pahayag.
"Kapag nagtutulungan ang pulisya at ang publiko, mas mabilis nating natutugunan ang mga paglabag sa batas. Ipagpatuloy natin ang pagbibigay ng impormasyon sa tamang awtoridad upang sama-sama nating mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng ating mga komunidad," dagdag pa niya.
Nasa ilalim na ng kustodiya ng CIDG RFU4A ang mga nasakoteng suspek para sa wastong dokumentasyon at pagsasampa ng reklamo.
Samantala, ang nasabat na tugboat ay hawak na ng Batangas Maritime Police Station.