Inanunsyo ng Quezon City local government unit (LGU) ang pagkakaroon ng pagbagal sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng Congressional Ave., dahil sa pansamantalang pagsasara ng Culiat Bridge kasunod ng naganap na sunog dito noong gabi ng Sabado, Hulyo 11.
Batay pa sa abiso ng Quezon City LGU nitong Linggo, Hulyo 12, mananatiling sarado ang Culiat Bridge habang umaandar ang structural inspection dito ng QC Department of Engineering, upang masigurado na ligtas itong daanan bago tuluyang buksan sa publiko.
Saad pa ng LGU, kasama rin sa mga tutulong at aantabay sa pagkukumpuning ito ng tulay ay ang mga tauhan mula sa Traffic and Transport Management Department (TTMD), Department of Public Order and Safety (DPOS), Task Force Disiplina, at Quezon City Police District (QCPD).
Samantala, narito ang mga alternatibong ruta na maaaring daanan habang isinasagawa ang pagkukumpuni at pagsasaayos sa Culiat Bridge:
PARA SA MGA SASAKYANG MAGMUMULA SA MINDANADO AVE. PATUNGONG EDSA:
- Mula Congressional Ave., kumanan sa Oblates Father St.
- Kumaliwa sa Villa Socorro St.
- Kumaliwa sa Seminary Rd.
- Dumiretso sa EDSA patungo sa destinasyon
PARA SA MGA SASAKYANG MAGMUMULA SA EDSA PATUNGONG MINDANAO AVE.:
- Mula Congressional Ave., kumanan sa Cagayan St.
- Kumaliwa sa Corregidor St. patungong Ilocos Sur St.
- Dumiretso sa Mindanao Ave., patungo sa destinasyon
PARA SA LIGHT VEHICLES
- Mula Congressional Ave., kumanan sa Cagayan St.
- Kumaliwa sa Ilocos Norte St.
- Kumaliwa sa Cotabato St.
- Kumaliwa sa Hereford St.
- Kumanan sa Congressional Ave., patungo sa destinasyon
- Kung magmumula naman sa Davao St., maaaring dumaan sa Cotabato St., at kumanan sa Hereford St. patungong Congressional Ave.
Sa hiwalay na update ni Quezon City Mayor Joy Belmonte nito ring Hulyo 12, tiniyak niya na ang mga naapektuhang pamilya sa sunog ay pansamantalang nanunuluyan sa inilaang evacuation center ng lungsod.